PM Trudeau, basura ng Canada kunin n’yo! – EcoWaste

PARA sa EcoWaste Coalition at Buklod Tao, hindi dapat itigil ang laban sa basura ng Canada na hanggang ngayon ay naririto pa rin sa Pilipinas.
 
Kaninang umaga, naglunsad ng protesta ang EcoWaste at Buklod Tao sa harapan ng Canadian Embassy sa Makati City kung saan muling nanawagan ang dalawang organisasyon sa pamahalaan ng Canada na kuhain na nito ang basurang nakaimbak sa bansa hanggang ngayon.
 
Ang mga basura na nakalagay sa 98 container vans ay nakarating sa bansa sa pamamagitan ng isang pribadong kompanya simula noong 2013.
 
Ang container vans ay nakalagak pa rin sa mga pantalan ng Maynila at Subic.
Sabi ng EcoWaste at Buklod, dapat bilisan ng administrasyon ni Prime Minister Justin Trudeau ang pagbawi ng mga basura pabalik sa Canada.
 
Matatandaang nangako si Trudeau na gagawa siya  ng paraan upang ibalik sa kanyang bansa ang mga basura.
 
Ngunit, hanggang ngayon ay wala pang nangyayari sa kanyang ipinangako mula ng siya ay makarating sa bansa nitong nakalipas na taon.
 
Sa kabilang banda, umaasa ang EcoWaste at Buklod na bibigyan ng pansin ni President-in-waiting Rodrigo Duterte ang problemang ito sa basura ng Canada. (Tapat News Team)

 

Propellerads

You May Also Like