PM, Babantayan ang DOLE hinggil sa Kontraktuwalisasyon

Handang bantayan ng Partido Manggagawa (PM) ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa pagwasak sa kontraktuwalisasyon sa bansa.

Ang desisyon ng PM ay may kaugnayan sa ipinangako ni incoming DOLE Secretary Sylvestre Bello 3rd na seryoso niyang puputilin ang kontraktuwalisasyon, banggit ng tagapagsalita ng PM na si Wilson Fortaleza.

Ang usapin lang, ayon kay Fortaleza, ay “kung paano at kailan ito sisimulan” ni Bello.

Noong Hunyo 13, idiniin ni Bello na ang unang hakbang ay “look into the [employment] agency. ‘Yung agency ba [ay] talagang bona fide ‘yan o branch lang nung main employer? Pangalawa, assuming na bona fide agency, kailangan ‘yung agency should consider ‘yung kanilang mga contractual as their employees, regular employees. Kasi ang nangyayari, ‘yung mga employees na binibigay ng mga ahensiya, hindi nila nakukuha ‘yung tamang sweldo nila dahil kinakaltasan nung ahensiya.”

Walang pipiliing kompanya ang pagpapatigil sa kontraktuwalisasyon, saad ni Bello.

Sa pahayag ng bagong kalihim, inaasahang kasali sa kanyang kampanya ang mga naglalakihang kompanya na bantog sa kontraktuwalisasyon.

Idiniin ni Bello na kung tutuusin, hindi mahirap ang pagwasak sa kontraktuwalisasyon, sapagkat mayroong batas laban dito: ang Anti-Contractualization Law.

Ang problema, hindi ito ipinatupad ng liderato ng DOLE, tugon ni Bello.

Hindi binanggit ni Bello ang pangalan ni outgoing DOLE Secretary Rosalinda Baldoz, ngunit sa tabas ng dila niya, walang ibang tinitira ito kundi si Baldoz.

Si Baldoz ang tanging kalihim ni Pangulong Benigno Cojuangco Aquino 3rd sa DOLE.

Yung contractualization issue, hindi naman mahirap ‘yun eh, kasi meron naman tayong existing na anti-contractualization law eh.”

Ayon kay Fortaleza, babantayan ng PM ang pangkat ni Bello sa DOLE upang malaman kung tunay niyang ipatutupad ang kanyang pahayag hinggil sa kontraktuwalisasyon.

Ngunit, inilinaw ng lider manggagawa na ang pinakamahalang karagdagang aspeto sa pakikibaka laban sa kontraktuwalisasyon ay kung kasama sa legislative agenda ng administrasyong Duterte ang tungkol sa nabanggit na suliranin ng mga manggagawa.

Ang pagwasak sa kontraktuwalisasyon ay isa sa mga ipinangako ni Mayor Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya.

Mayroong higit 35 milyon ang mga manggagawang kontraktuwal na nagtatrabaho sa pamahalaan at mga pribadong kompanya mula sa higit 67 milyon manggagawa mayroon ang Pilipinas sa kasalukuyan. (Bernard Badilla-Toledo)

You May Also Like