Pitik-bulag

editorial

Matapos mayanig ang buong bansa sa pinsala na naganap sa Bohol at Cebu dahil sa isang 7.2 magnitude na lindol, heto na naman ang isang sakuna na pilit itinatago ng administrasyong Aquino – ang kahihinatnan ng mga kasong sangkot ang pork barrel.

Malayang makapupuslit ang mga kaalyado ni pangulong Aquino. Ni isa sa kanila ay hindi kakasuhan sa ikalawang batch ng plunder charges, ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, habang mabilis namang ipinakansela ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga pasaporte nina Senators Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada and Ramon Revilla Jr.

Bakit hindi pupursigihin ng DOJ ang pagbuo ng kaso sa mga iba pang mambabatas na kapartido ng pangulo? Wala bang ebidensya laban sa mga ito? Ayon kay, de Lima, “limited resources” o limitadong pondo at oras ang dahilan kaya’t hindi kakayaning imbestigahan pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pulitikal na kapanalig ni Aquino na nabanggit sa special report ng Commission on Audit (CoA) tulad nina Senate President Drilon at Sen. Francis Escudero. Wala pa dito ang kahina-hinalang pagsiwalat na nagbigay din diumano ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sina Senators Loren Legarda at Ferdinand “Bongbong” Marcos kay Janet Lim – Napoles sa pamamagitan ng NGO nito.

Ang “maliit” na detalye na ito ang nag-iiwan ng tandang pananong. Gaano ba kaliit ang budget ng Department of Justice upang maisip nilang pakawalan nang basta-basta na lamang ang ilang taong pinaghihinalaang nagkamal ng kaban ng bayan? Kung ang isyung ito ay hindi karapat-dapat sa pondo at atensyon ng isa sa pinakapangunahing ahensya ng pamahalaan, alin ang mas dapat tuunan ng pansin? Ang mas matinding tanong: Nagkataon nga ba na pawang mga taga-oposisyon ang tuluyang nadawit sa isyu?

Tila sarado na ang kaso at sina Enrile, Estrada at Revilla ang lumalabas na kinasangkapan upang maibsan ang galit ng publiko dahil sa bilyong-pisong halaga ng pandaraya ng pork barrel scam.

Kung pakikinggan ang mga salita ni pangulong Aquino tungkol sa kanyang Disbursement Acceleration Program (DAP), hindi mahirap mabatid na ang pag-uusig sa mga nasangkot sa pork barrel scam – maliban kung ikaw ay taga-oposisyon – ay hindi prayoridad at malayo sa saklaw ng political will ng kasalukuyang administrasyon.

Nang humarap si Aquino sa isang pagpupulong ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (Focap) kamakailan, ginawan pa nito ng kaugnayan ang pagsampa ng kasong pandarambong laban sa ilang “kilalang pulitiko” at ang mga atake sa DAP na, ayon sa mga kritiko, ay labag sa General Appropriations Law.

Siguro ang dapat sagutin ni Pnoy ay kung paano naging operational ang isang programang labag pala sa batas? Imbes na ituwid ang pagkakamali ng DAP, maliwanag na dinedepensahan pa ito. Ang isyung higit na nagpakita sa totoong kulay ng kasalukuyang administrasyon ay ang sistema ng pork barrel at iba pang discretionary funds. Dito lumilitaw na parang laro ng pitik-bulag ang “sayaw” ng administrasyong Aquino at ng mga pinuno ng mga ahensya nito – mula sa Communications Secretary na si Ricky Carandang, Justice Secretary Leila de Lima, Senate President Franklin Drilon, Budget Secretary Butch Abad. Nagtutugma-tugma na lamang ang mga galaw at bawian hinggil sa pork barrel issue. Hanggang kailan magbubulag-bulagan ang mamamayan?

You May Also Like