Pinagsasamantalahan ang Lahat ng Manggagawa

 

 

Ni: Nelson S. Badilla
 
NGAYONG 2016, umaabot sa higit 67 milyon ang kabuuang bilang ng mga manggagawa sa Pilipinas, ayon sa opisyal na rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
 
Sa bilang na ito, 31 milyong manggagawa ang wala sa minimum ang sinasahod kada buwan.
 
Ang 31 milyon ay katumbas ng 46.1 porsiyento ng 67.1 milyong manggagawa.
 
Ang minimum na sahod ay siyang itinakdang batas ng mga mambabatas alinsunod sa utos ng kanilang pinansiyer tuwing eleksyon na bayad sa haba ng oras na inilaan ng mga manggagawa sa kanilang paggawa sa isang kumpanya.
 
Ang Regional Wage and Productivity Boards (RWPBs) naman ang nagdesisyon kung magkano ang minimum na sahod kada buwan alinsunod sa mga kondisyong inilatag ng mga mambabatas.
 
Kung tutuusin, mali ang itinakdang minimum na sahod, sapagkat sobrang layo nito sa nararapat matanggap ng mga manggagawa, ngunit napakaraming kapitalista ang hindi sumusunod dito na desisyon pa man din ng RWPB.
 
Ngunit, hindi ako magtataka, sapagkat katangian talaga ng mga kapitalista ang pagiging mapanamantala sa mga manggagawa.
 
Ang totoo, hindi sila tatawaging kapitalista kung hindi sila mapanamantala, sapagkat isa ito sa kanilang katangian.
 
Halimbawa, ang manggagawa sa Metro Manila ay nakatatanggap ng P491.00 kada araw simula nitong Hunyo.
 
Ang minimum na sahod sa Metro Manila ay siyang pinakamataas sa buong bansa.
 
Ngunit, mayroong nakatatanggap ng P220 kada araw (manggagawa ito sa pagawaan ng tsinelas).
 
Kung P220, ibig sabihin P27.50 kada oras ang bayad sa mga manggagawa ng tsinelas.
 
Isipin nyong mabuti kung walang pananamantalang nangyayari sa P220 sahod bawat araw, o P27.50 bawat oras.
 
Kung hindi pananamantala sa mga manggagawa ang tawag dito, hindi ko na alam kung ano.
 
Lahat ng kapitalistang tuluy-tuloy ang negosyo ay pihadong kumikita.
 
Hindi puwedeng manatili sa negosyo ang kapitalista kung wala itong kita, sapagkat malaking kahibangan na magsayang nang magsayang at magtapon nang magtapon ng pera ang kapitalista.
 
Kaya, kung patuloy na umiiral ang negosyo, tiyak kumikita nang husto ang kapitalista.
 
Kung ang kapitalista ay hindi nagpapasahod ng tama, walang ibig sabihin ito kundi ganid siya sa pera.
 
Biruin n’yo, ang sahod ngang P491 kada araw na ubod ng liit kung ikukumpara sa kailangang halaga na higit P1,000 bawat araw ay hindi pa ibinibigay sa 31 milyong manggagawa.
 
Batay sa pag-aaral ng Ibon Foundation, higit P1,000 ang kailangang pera/kita araw-araw ng isang pamilya na lima ang miyembro upang mabuhay ng disente.
 
Kung P491 lang, tiyak hindi kayang tustusan ng manggagawa ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.
 
Kung ang P491 ay hindi kayang bilhin ang mga batayang pangangailangan ng isang pamilya, paano pa kaya ang P220 bawat araw ang sahod?
 
Naniniwala ako na sinadyang nakawin ng mga kapitalista ang higit P200 sa sahod nilang P4291, kaya P220 ang natatanggap ng mga manggagawa.
 
Iyong ibang kapitalista ay pihadong mababas sa akin dahil sasabihin nilang hindi naman P220 ang ipinasasahod nila, kundi P320 at ang iba naman ay P420.
  
Ano ang ipinag-iba kung P220, o P420?
 
Antas, o tindi ng pananamantala?
 
Walang saysay na malaman kung ano ang antas, o tindi ng pananamantala.
 
Ang punto ay nananamantala pa rin.
 
Sa 67.1 milyon, umabot naman sa 16.5 milyon ang nakatatanggap ng tamang minimum na suweldong itinakda ng iba’t ibang RPWBs ng iba’t ibang panig ng bansa.
 
Ito ay 24.6% ng kabuuang bilang ng mga manggagawa ngayong 2016.
 
Kahit ito ay hindi pa rin dapat ipagyabang ng mga kapitalista na mayroon din sa hanay nila ang hindi nanamantala sa mga manggagawa, dahil wastong minimum na sahod ang kanilang ibinabayad sa mga manggagagwa.
 
Ito’y dahil ang totoo, ang minimum na natatanggap ng 16.5 milyong manggagawa ay napakalayo pa rin sa dapat nilang matanggap alinsunod sa rami ng mga produktong nagawa nila sa isang oras.
 
Kung ang nagawang produkto ay 1,000 kada oras, lilitaw na 8,000 lahat ang magagawa sa loob ng walong oras na paggagawa.
 
Ngunit, ang bayad ng kapitalista sa manggagawa ay P491 sa loob ng walong oras kung sa Metro Manila ito.
 
Kung taasan ng kapitalista ang kota ng gagawing produkto sa 1,200 mula 1,000 bawat oras, bale magiging 9,600 ang magagawang produkto sa loob ng walong oras.
 
Pero, paniyak P491 pa rin ang suweldo sa loob ng walong oras.
 
Ano ang malinaw?
 
Lumaki ang kita ng kapitalista, ngunit napako sa minimum ang sahod ng manggagawa.
 
Tumindi ang pananamantala ng kapitalista, ngunit hindi gumanda ang kita ng mga manggagawa.
 
Siyempre, mas matindi ang pananamtala kung P220 lang sahod ng manggagawa sa loob ng walong oras na paggawa ng 1,000 hanggang 1,200 produkto.
 
Sa madaling salita, walang dudang napagsamantalahan din ang mga manggagawang sumasahod ng tamang minimum na suweldo.
 
Sa datos ng PSA at DOLE, 20 milyon, o 29.4% ng kabuuang bilang ng mga manggagawa sa bansa ay tumatanggap ng lampas sa minimum na suweldo.
 
Sa unang tingin, tila nakabibilib ang mga kapitalistang ito dahil nilampasan nila ang itinakda ng iba’t ibang RWPBs.
 
Kaagad maiisip ng lahat na napakabuti at may puso ang mga kapitalistang nagpapasahod ng mas mataas sa minimum.
 
Kumbinsido akong mayroon pa ring pananamantalang ginagawa ang ang mga kapitalista laban sa mga manggagawa, kahit na lampas sa minimum ang sinasahod ng mga manggagawa kada buwan.
 
Ang batayan ng pananamantala ay ang sahod/bayad na natatanggap ng mga manggagawa, kumpara sa dami at husay na inilaan, o ibinigay ng mga manggagawa sa kanilang ginagawa bawat oras, kumpara sa nakabig na kita ng mga kapitalista.
 
Kapag binantayan at sukating mabuti nang walang daya, matutukoy na mating-matindi pa rin ang pananamantalang ginagawa ng mga kapitalista laban sa mga manggagawa kahit na sabihin pang malaki ang minimum na ibinayad ng mga kapitalista.
 
Kaya, pinagsasamantalahan pa rin ng mga kapitalsita ang 20 milyong manggagawa na sinasabing kumikita ng higit sa minimum na itinakda ng RWPBs.
———
Bukod sa pagiging Kolumnista ng Tapat News, si Dr. Nelson S. Badilla ay Reporter ng The Manila Times, at guro sa isang unibersidad sa Metro Manila. Ang itinuturo ni Dr. Badilla ay Public Administration at Basic Economics courses. Ang mga natapos niya ay Doctor in Education, Major Educational Management (University of Rizal System-Morong, Rizal), Master of Public Administration (University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance), at A.B. Political Science (Philippine Christian University). Kumuha rin siya ng higit 30 yunit ng Master in Education (Polytechnic University of the Philippines Graduate School). Sa susunod na semestre, kukuha si Dr. Badilla ng Master in Communication, na proyekto ng National Press Club (NPC) sa pakikipagtulungan ng Polytechnic University of the Philippines Graduate School.Bukod sa pagiging Kolumnista ng Tapat News, si Dr. Nelson S. Badilla ay Reporter ng The Manila Times, at  guro sa isang unibersidad sa Metro Manila.Ang itinuturo ni Dr. Badilla ay Public Administration at Basic Economics courses.Ang mga natapos niya ay Doctor in Education, Major Educational Management (University of Rizal System-Morong, Rizal), Master of Public Administration (University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance), at A.B. Political Science (Philippine Christian University).Kumuha rin siya ng higit 30 yunit ng Master in Education (Polytechnic University of the Philippines Graduate School).

Sa susunod na semestre, kukuha si Dr. Badilla ng Master in Communication, na proyekto ng National Press Club (NPC) sa pakikipagtulungan ng Polytechnic University of the Philippines Graduate School.

You May Also Like