Pera-pera lang ‘yan


moneyNapapagastos ka ba ng hindi  inaasahan?

Subukan mong mag-ikot sa grocery habang gutom ka. Kung di mo pa ito nagagawa, makikita mong tila gusto mong bilhin lahat ng mukhang katakam-takam. Totoo nga ang sinasabi ng mga eksperto sa psychology na kapag namimili sa tindahan ng wala ka sa ayos (may dinaramdam, galit, sobrang gutom atbp.), apektado ang pagpapasya at malamang hindi pinag-iisipang mabuti ang pagpili ng mga bilihin. Mabuting alamin ang mga wastong kaugalian sa paghawak ng pera, kasama na dito kung paano mag-desisyon ng wasto pagdating sa paggastos. Heto ang mga sagot ng ilang tao sa tanong na ito:

Ano ang strategy mo para di ka napapagastos ng di kailangan sa palengke, grocery o mall?

Bago kami pumunta sa mall, kinakausap muna namin ang mga bata para alam nila kung bakit kami pupunta doon at di mamimilit na bumili ng kung anu-ano. Halimbawa, sasabihin namin ‘Kailangan nating bumili ng sabon at shampoo at pwede kayong magtingin-tingin. Pero yun lang ang bibilhin natin.’
Kapag pupunta kami sa grocery, may listahan kaming dala.
-Mara Esguerra, ina ng 4

Huwag gumamit ng credit card at huwag magdala ng cash o basta yung tamang cash lang kapag wala ka namang balak bilhin o hindi mo kailangan yung gusto mong bilhin. Kung may gusto kang bilhin pero hindi ka sigurado, maghintay ng tatlong araw hanggang isang buwan bago mo bilhin.
– Francis Bautista, sales executive

Una, isulat ang mga talagang kailangang bilhin. Ikalawa, alamin ang halaga ng mga iyon. Ikatlo,magdala ng pera na sapat lang para sa mga talagang kailangan. Ikaapat, bilhin agad ang mga nakalista at umalis na, habang iniisip ang swerte sa natipid na panahon. Ikalima, gamitin ang oras na natipid para sa bagay/hobby na gustong-gusto mong gawin.
– Theresa Bambao, guro

Kapag may gusto akong bilhin, tinatanong ko sarili ko kung ito ba ay kailangan (need) or gusto (want) ko lang. Kapag ito ay kailangan, bibilhin ko ito dahil ito ay importante. Kapag ito naman ay gusto ko lang kasi bago o uso, nagdadalawang isip ako. Ganyan ang naging pamantayan ko, lalo na nuon ako ay naging estudyante sa ibang bansa.
– Ferdie Maglalang, manunulat

Sinusulat ko lang sa listahan kung ano’ng mga kailangan ko. Tapos sinisiguro kong ang perang nasa wallet ko ay sapat lang para sa kailangan kong bilhin.
– Dominic Barrios, photographer

Bago pa man ako pumunta sa grocery store/palengke, nililista ko na lahat ng “kailangan” kong bilhin, at kasama na doon ang pagba-budget. Kung magkano lang yung nasa listahan, yun lang more or less yung perang dadalhin ko, para makaiwas na rin sa paggastos sa mga hindi importanteng bagay. Kapag may kaunting sobra sa pera, tsaka lang ako bibili ng mga wala sa listahan. Ang mahalaga, pasok sa budget, at alam ko yung priorities ko sa paggastos.
– Lobelea Barrion, estudyante

You May Also Like