Pederalismo pabor lamang sa political dynasties

Editorial Cartoon

Marami sa atin ang umaasa sa pagbabagong pinangako ni pangulong Rodrigo Duterte lalo na ang mga kababayan natin mula sa mga probinsya. Layunin ng pangulo ang itulak ang pederalismo sa bansa na diumano ay magbibigay ng pagkakataon sa mga probinsya na lumago. Sinasabing sa kasalukuyan, umaasa lamang ang mga probinsya kung maipapasa sa national level ang mga proyektong minumungkahi. Ito daw diumano ang dahilan kung bakit napapag-iwanan ang mga probinsya at tuluyang nakikinabang lamang ang Maynila. Tama ang ganitong pananaw, ngunit solusyon nga ba ang pederalismo?

Nakakaligtaan natin na sa tuwing may mga proyekto sa Maynila man o sa probinsya, patuloy ang kurapsyon. Hindi nangangahulugang sa pagpapatupad ng pederalismo sa bansa ay maiiwasan na ang pagnanakaw sa kaban ng bayan bagkus malaki ang tsansa na lalo pang lumawak ang kurapsyon. Ito dahil sa ilalim ng pederalismo, mananatili sa puwesto ang mga pamilyang kungdi man taon ay deka-dekada nang nakaupo sa puwesto. Ang pondo ay hindi na kailangan pang pagtalunan sa national kungdi ito ay manggagaling na sa nalikom ng probinsya at magiging desisyon na ng mga nakaupo sa regional o mga probinsya. Sila na rin mismo ang magpapatupad ng mga proyekto sa kanilang nasasakupan. Maganda sana ito. Subalit kapag ganito ang nangyari sa  kasalukuyang kultura ng Pilipino na nakaw dito nakaw doon, malamang imbes na lumago ang mga probinsya ay mas mauunang lalago ang mga bulsa ng mga hoodlum na mga pamilyang matagal nang nakaupo sa puwesto at salit-salitan na lamang sa kapangyarihan.

Kaya rin siguro hindi pabor si Pangulong Duterte sa Anti-Political Dynasty Bill ay dahil nga ang kanyang pamilya mismo ay tatamaan nito. Nabanggit niya ang kangyang pagtutol noong panahon ng pangangampanya na siya ring nagpalakas sa kanyang kampanya dahil pulu-pulotong na pamilyang dinastiya ang nagpahayag ng suporta sa kanyang pahayag na pagpabor sa political dynasty.

Isa pang nakababahala ang pagiging ‘autonomus’ ng judicial system. Ibig sabihin sa ilalim ng pederalismo magkakaroon ng sariling pamamalakad ang mga gobyerno ng probinsya. Delikado ito lalo na sa mga mamamahayag kung ang isang probinsya ay magpapanukala ng pagkikitil sa kalayaang mamahayag ng balita. Kailan lamang, naging masalimuot ang relasyon ng midya at ni Duterte. Una na ang pahayag ng pangulo na ‘deserving’ o nararapat mapatay ang mga tiwali sa midya. Madali ito kung ang kaugnay na batas ay madaling maipapasa sa mga probinsya.

Ang pagbabago ay may nararapat lamang na may kaakibat na pagpapahalaga sa dignidad ng bawat tao. Kawawa naman ang ating mga kababayan na napipilitang kumapit sa patalim dala ng kahirapan. Wala pang pagkakataon sa patas na paglilitis, mapapatawan pa ng parusang kamatayan. Hindi ito maituturing na tunay na pagbabago kungdi panunumbalik lamang ng pasusupil. Gaya na lamang nuong panahon ng batas militar.

 

You May Also Like