PDAF misuse, iimbestigahang maigi

Sina Senador JV Ejercito at Senate President Juan Ponce Enrile ay dalawa lamang sa sinasabing sangkot sa pag-divert ng PDAF sa isang pekeng NGO.

Kinakalampag ngayon ng isang kongresista ang mga ahensyang may hawak sa kasong di umano’y maling paggamit ng pork barrel ng ilang mambabatas, na laliman at imbestigahan ng maigi ang nasabing isyu.

Ani House Deputy Speaker Erin Tañada, dapat atasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) paratingnan at pag-aralan ang mga pekeng non-governmental organization (NGO) na nakinabang sa P195 milyon na pork barrel diumano nina Senador Ramon “Bong” Revilla, chairman ng Lakas-CMD, Senate President Juan Ponce-Enrile, SenadorJinggoy Estrada at dating Buhay Partylist Rep. Rene Velarde noong 2011.

Maging ang Commission on Audit (COA) ay hinimok ng kongresista na ipasiyasat narin sa Ombudsman ang partisipasyon sa di umano’y anomalyang ito ng mga taga-Department of Agriculture (DA). Napag-alaman na ang DA ang siyang nag-aapruba sa kung aling mga NGO ang mabibigyan ng alokasyon mula sa pork barrel ng mga mambabatas.

Samantala, naniniwala naman si House Minority Leader Danilo Suarez na may kinalaman sa pulitika o eleksyon ang pagputok ng nasabing isyu.

Kuwestyonable umano ang timing ng pagpapalutang ng administrasyon sa isyu na nagdadawit sa mga taga-oposisyon.

Giit pa ng mambabatas, iniisa-isa na ng administrasyon ang mga kalaban nito sa pulitika para palabasin na ang mga lider ng oposisyon gaya ng United Nationalist Alliance (UNA) at Lakas ay may bahid ng katiwalian.

You May Also Like