PCPR dismayado sa pagiging konstitusyonal ng EDCA

Carizza Ibañez

MANILA — Ipinoprotesta ng grupong Promotion of Church People’s Response (PCPR) ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang konstitusyonal ang isang kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika na nagpapahintulot ng mas maigting na presensya ng hukbong militar ng mga Amerikano sa bansa.

Tuluyang naibasura ang petisyon ng mga aktibista na ideklarang “unconstitutional” ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong ika-12 ng Enero nang magkaroon ng botong 10-4 pabor sa mga naniniwalang naaayon sa Saligang Batas ang nasabing kasunduan.

Tinuligsa ng ilang mambabatas at mga anti-U.S. na aktibista ang EDCA dahil nagbibigay diumano ito ng sobrang kalayaan sa mga Amerikano upang gamitin ang mga kayamanan ng bansa.

Maliban sa pagpapahintulot sa mga Amerikanong gamitin ang mga base-militar ng bansa, nakasaad din sa EDCA na pinapayagan ang mga sundalong Amerikano na magtayo ng mga pasilidad na mapaglalagyan ng mga kasangkapang magagamit para sa seguridad ng ating mga karagatan at sa pagresponde sa sakuna.

Ayon kay Nardy Sabino, tagapagsalita ng PCPR, palalalain lamang ng EDCA ang matinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea.

Bilang hindi pagsang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema, nanawagan si Bishop Dinualdo Gutierrez mula sa South Cotabato na iwaksi ang giyera at magdasal laban sa mga nagbabantang sirain ang anumang likha ng Diyos.

“War is not good. It is destructive. It destroys God’s creatures. We need to protect lives,” ani Gutierrez.

Dagdag pa niya, mas nararapat na bigyang-pansin ng gobyerno ang lumalalang kahirapan sa bansa kaysa sa pagbuo ng mga bagong alyansang militar.

Naniniwala naman ang mga aktibista na ang presensiya ng base military sa bansa ay patunay lamang na may mga Pilipino pa din gusto maging “stateside.”

Aniya, sa kabila ng kasarinlan natin mula sa mga Amerikano, ang impluwensiya naman ng mga ito sa kultura at kaugalian ng mga Pilipino ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon.

You May Also Like