PCOS demo center, bukas na sa publiko

Sa demo center, maaaring direktang subukan ng publiko ang paggamit ng PCOS machines.
Sa demo center, maaaring direktang subukan ng publiko ang paggamit ng PCOS machines.

PORMAL nang binuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang isang permanenteng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine demonstration center sa punong tanggapan nito sa Intramuros, Manila na maaaring dayuhin ng sinumang nais makita kung paano pinapagana ang mga ito.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, layunin ng pagpapasinaya ng nasabing Demo Center ay upang maipakita sa publiko na hindi papalya ang mga makinang gagamitin sa eleksyon at mapatunayan ang kredibilidad at seguridad ng mga ito.
Dagdag pa ni Jimenez, matutulungan din ang mga botante na maranasan ang bumoto at mag-feed ng balota sa mga PCOS machines na gagamitin sa darating na May 13 midterm elections.

Napag-alaman naman na mag-o-operate ang nasabing demo center tuwing working days hanggang isang linggo bago ang mismong araw ng halalan.

“Ang mga estudyante, mga citizen journalists at ang publiko ay malugod na tinatanggap sa PCOS Demo Center sa Intramuros. Bisitahin ninyo kami kung kailan kayo maaaring dumalaw,”ani Jimenez sa wikang Ingles.

Dagdag pa ni Jimenez, mismong si Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., kasama ang iba pang commissioners, ang siyang nanguna sa pagbubukas ng PCOS Demo Center sa loob ng Palacio del Gobernador building sa Intramuros, Maynila.

You May Also Like