Patay Kang Mahirap Ka!

ILANG oras bago isulat ang editorial na ito ng Editor-in-Chief ng Tapat News online, dalawang adik at mandurukot ang natagpuang patay sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City.

Ang mga biktima ay walang dudang sinalvage dahil sa tipo ng kanilang pagkamatay.

May tama ng bala sa dibdib, ginulpi, binalutan ng tape, at may nakadikit sa tabi ng kanilang mga bangkay na karatula na ang nakasulat ay “tulak” at “snatcher” sila, kaya huwag “tularan.”

Ang nakababahala ay ika-5 na ang biktima ng salvaging sa Lungsod Quezon.

Wala mang makikitang sapat na ebidensiya, tiyak kaming Quezon City Police District (QCPD) ang nasa likod nito, sapagkat tanging ang naturang yunit lamang ng Philippine National Police (PNP) ang mayroong lohikal na layunin upang ikasa at gawin ang naturang ‘parusang kamatayan’ sa mga kriminal.

Hindi ito gagawin ng kalabang mandurukot dahil hindi kailanman pinag-aaway ng mga pinuno ng sindikato ang  mga mandurukot.

 

 

Ang maaaring gawin ng pinuno ng sindikato ay ipapatay ang ‘bata’ niya kung sagabal na ito sa sindikato.

Kung sagabal man sa operasyon ng sindikato, bakit naman itinaon ang salvaging sa agresibong kampanya ng PNP laban sa iligal na droga alinsunod sa deklarasyon ng gyera ng administrasyong Duterte laban sa nasabing napakalalang kanser ng lipunan.

Huwag sanang tama ang hinala namin na dahil sa pangangailang marami ang mapapatay na tulak ng shabu o adik sa ipinagbabawal na gamot ay pati mga mandurukot ay isinasama na sa serye ng patayan—salvaging pa[!], isang napakatinding parusa ng kamatayan ng estado sa kaaway ng pamahalaan.

Ang salvaging ay ginagamit lamang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga komunista, o rebeldeng masyado nang mainit sa pamahalaan.

Ginagamit din ito ng pamunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga kadre, o aktibista nitong tahasang tumututol sa mga patakaran at kagustuhan ni Jose Ma. Sison.

Kapag gumamit na ng salvaging ang AFP at CPP, ibig sabihin sagabal na sa lipunan, o sa kanilang organisasyon ang kanilang ipinapatay ng walang kalaban-laban.

Pero, kung ang PNP ang gagamit ng salvaging sa mga adik at mandurukot, mga taong biktima ng malupit at dekadenteng lipunan, hindi naming alam kung ang tawag sa mga adik at mandurukot ay sagabal, o salot sa lipunang Pilipino, kaya natatapat at lohikal lamang na sila ay patayin na.

Hindi rin namin alam kung sila ay pandagdagg lamang sa bilang ng “accomplishment” ng isang yunit ng PNP tulad ng QCPD na sa kasalukuyan ay pinamumunuan ni Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Ang masama pa nito, palaging mahihirap ang napapatay.

Palaging mahirap ang inaakusahang adik at mandurukot.

Kung talagang kumbinsido ang QCPD at PNP sa pangkalahatan, na pagpatay ang solusyon upang mawakasan na ang talamak at nakalululang suliranin sa iligal na droga sa bansa,  patayin o isalvge din na rin nila ang mga adik at mga  kriminal na pawang nabibilang sa mga mayayaman.

Tiyak kami na napakarami rin nila.

Kaya lang naman hindi sila ginagalaw, itinutumba, o sa eksakto ay pinapatay dahil sa mayaman sila.

Mayroon silang pera upang gamiting panuhol sa mga pulis na dadampot gagalaw sa kanila.

Mayroon silang pera upang makakuha ng matitindi at mamahaling mga abogado na magtatanggol sa kanila sa korte upang patunayang hindi sila adik, hindi sila tulak ng shabu, at hindi sila kriminal.

Samantalang ang mga mahihirap ay walang pera upang gawin at ikasa ang mga kayang gawin ng mga mayayamang tulak ng shabu, adik, at kriminal.

Kaya, sila ang ‘kayang-kayang’ pagdiskitahan ng PNP at ng buong  pamahalaan.

Kahit sa New Bilibid Prison (NBP), ang bulto ng mga nakakulong ay pawang mga mahihirap.

Kakaunti ang mga mayayaman kung mayroong mang mayaman sa nasabing pambansang bilangguan.

Bakit ba?

Dahil ba mabilis ang paggulong ng criminal justice system kung mahirap ang akusado, o nakagawa ng krimen, at bumabagal kung mayaman ang akusado.

Sa ganitong pagsasalarawan ng ginagawa ng pamahalaan, sa pamamagitan ng pulis nito, laban sa iligal na droga ay maaaring isalarawan sa ganito: “Patay kang mahirap ka!”

You May Also Like