Partisipasyon ng Mamamayan

NAGDEKLARA si President-in-waiting Rodrigo Duterte na ang tanging hangad niya sa kanyang pamumuno sa loob ng anim na taon ay pagbabago ng Pilipinas.
 
Ngunit, ang pahayag ni Duterte ay hindi na bago, sapagkat ganito naman ang mga nagiging bagong pangulo nng bansa—palaging nagsasabi o nangangako sa mamamayang Pilipino na babaguhin niya ang mga umiiral na mali at palpak sa bansa, kabilang na ang pamahalaan.
 
Ganyan din noong Hunyo 2010 si Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
 
Nangako rin si Aquino ng pagbabago dahil sa alam niya na alam na alam ng mamamayan na tinawag niyang “mga boss” ang sandamukal na problema ng bansa, lalo na sa larangan ng korapsyon, na ipinamana ng administrasyong Arroyo.
 
Ngayon, si Duterte naman ang nangako ng pagbabago.
 
Ngunit, maraming naniniwala dahil hindi pa man siya pormal na nakakaupo sa Malakanyang ay balita naming marami nang nangnangatog ang tuhod sa mga magnanakaw saa pamahalaan at mga drug lord.
 
Kung tunay na seryoso si Duterte sa kanyang deklarasyong pagbabago, nararapat lamang na mayroong partisipasyon ang mamamayan sa isusulong na pagbabago.
 
Mainam kasi na ang mamamayan na siyang direktang makikinabang sa magiging resulta ng pagbabago ay kasama sa pagkilos upang makamit ang pagbabago.
 
Hindi iyong nanonood, nag-aabang, umaasa, magkokomentaryo, at kung walang ginawa ang Pangulo ay kaliwa’t kanang batikos ang ipupukol sa Pangulo at administrasyon nito.
 
Maganda at makabuluhan kung kasama ang mamamayan sa pagkakamit ng pagbabago dahil sila ay bahagi ng pagbabago at mayroong estratehikong papel sa isusulong na pagbabago saan mang bahagi ng lipunang Pilipino.
 
Ang Tapat News ay bahagi at kaisa rin sa isusulong na pagbabago, ngunit isa ito sa makakalaban ng administrasyong Duterte kung panay kapalpakan at kalokohan ang gagawin ng administrasyong ito.

 

Propellerads

You May Also Like