Parang hindi Pinoy si Pnoy

vol 1 no 2

Mula noong nakaraang Martes, tuloy-tuloy ang pang-bo-bomba ng Malaysian security forces sa Lahad Datu sa Sabah upang hantingin ang mga taga-suporta ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III. Nakakalungkot isipin na may mga Pilipino ngayon na maaaring sa mga oras na ito ay binabawian na ng buhay. At ang mas nakakalungkot ay namamatay sila dahil tila tinalikuran na sila ng mga tao na dapat unang nagbibigay ng proteksyon sa kanila.Tama bang sabihin ng isang pangulo na hindi niya isasangkalang ang relasyon ng bansa sa Malaysia nang dahil lamang sa iisang pamilya?

Matatandaan na noong 1995, sa kabila ng personal na pakiusap ni dating pangulong Fidel V. Ramos, tuluyang naisakatuparan ang hatol na kamatayan kay Flor Contemplacion na sinasabing guilty sa pagpatay kay Delia Maga. Nagluksa ang buong bansa at kaisa ng mga Pilipino ang Pangulo sa isyung ito.

Sa mga nangyayari sa Sabah, iisa rin ang damdamin at nais ng mga Pilipino. Ang mga Pilipino na naipit sa kaguluhan sa lugar na iyon ay dapat bigyan ng proteksyon ng ating pangulo kahit pa iisang pamilya lamang at mga sundalo nito ang kasangkot. Ang tugon na nararapat mula sa pangulo ay hindi ang pananakot na sila ay kakasuhan.

Mula nitong Lunes, marami na rin sa ating kababayan ang nagsiwalat ng pang-aabuso sa mga Pinoy mula sa kamay ng mga Malaysian police. Hindi talaga malayong mangyari ito. Kung ang sarili nga nating pangulo ay tila bulag, pipi at bingi sa hinaing ng mga Pilipino sa Sabah, ano pa ang aasahang proteksyon kung siya mismo nangangahas na pagbantaan ang sariling kababayan?

Malinaw na ang layunin ng pangulo ay ang panatilihing maayos ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at bansang Malaysia kung kaya’t tila binabalewala ang himutok ng ating mga kababayan. Ito ay dahil naging malaki ang papel ng Malaysia upang magkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng GRP (Pilipinas) at MILF. Kung baga sayang ang achievement nga naman, mga kababayan.

Hindi na kaila sa atin ang isyu ng habol ng Pilipinas sa Sabah; matagal na rin itong ipinaglalaban ng ating bansa. At nakababahala na mismong pangulo pa ang mukhang tumatalikod sa isyu. Hindi na rin kataka-taka na sabihin mismo ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III na parang hindi Pilipino si Pnoy.

Hindi na rin bago ang sablay na desisyon ng pangulo. Nangyari na rin ito noon kung saan pinaatras niya ang ating barkong pandagat mula sa Scarborough Shoal at hanggang ngayon, hindi na natin pa mabalikan dahil tuluyan nang binabantayan ito ng bansang China.

Marami ang nagtatanong sa ating kababayan: bakit tila iba ang ating pangulo sa kanyang ina na noon ay nagbigay ng pagkilala sa mga batang nasa sinapupunan kumpara kay Pnoy na sang-ayon naman sa maaaring banta sa buhay ng sanggol sa sinapupunan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng RA 10354 o RH Law? Bakit tila iba ang ating pangulo sa kanyang ama na si Ninoy na ibinuwis ang kanyang buhay para sa bayan? Talaga nga bang tapos na ang pagmamahal ng mga Aquino sa mga Pilipino? Tuluyan na nga bang naabo ng yosi ang pagmamahal sa ating lahi, sa bawat Pilipino, maging Muslim man o Kristiyano?

You May Also Like