Paramihan ba ng Napapatay?

SAMPUNG tulak ng methamphetamine hydrochloride, o higit kilala sa tawag na ‘shabu’ ang namamatay araw-araw simula nang magwagi bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas si Rodrigo R. Duterte, ayon sa Commission on Human Rights (CHR).

Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), ang mga namamatay ay resulta ng paglaban ng mga tulak ng shabu sa mga alagad ng batas.

Ibig sabihin, walang mamamatay kung hindi lumaban ang mga kriminal sa mga pulis.

Ang serye ng pagpaslang na sa ngayon ay umaabot sa sampung katao bawat araw ay nakaangkla sa deklarasyon ni Pangulong Duterte na gyera laban sa mga tulak ng iligal na droga.

Idiniin pa nga ni  Duterte sa harapan ng mga opisyal ng PNP matapos manumpa si Director-General Ronald “Bato” dela Rosa bilang bagong pinuno ng pambansang pulisya na susuportahan at ipagtatanggol niya kung makapatay ang mga pulis kahit 1,000 kriminal, basta may kinalaman ito sa pagsugpo ng talamak na pag-iral ng droga sa bansa.

Mahalaga ang puntong ito, sapagkat mukhang dito nakakuha ng ideya ang mga pulis hinggil sa kanilang paggampan ng kanilang tungkulin at gawain bilang alagad ng pulis.

Ibig sabihin, dami ng napapatay ang magiging sukatan ng “performance” ng PNP.

Kung marami kang napatay, mahusay ang paggampan ng iyong trabaho.

Kung kaunti naman, mahina ang performance mo.

Palpak kang pulis kung wala kang napatay.

 

 

Nakatatakot ito, sapagkat kung ganito ang sukatan at batayan ng paggampan ng trabaho ay wala nang dapat ipagtaka ang publiko.

Hindi na rin dapat magtaka ang mga mamamahayag.

Awtomatikong kapag may napatay ang pulis, tiyak tulak ng shabu ang biktima.

Hindi natutuwa ang mga reporter sa nagaganap.

Hindi natutuwa ang press na araw-araw ay mayroon silang sinusulat na balita hinggil sa bilang ng patay at ipapasa sa kanilang mga editor, sapagkat nagdududa sila na mukhang nagiging dahilan ang isyu ng iligal na droga upang bigyang katwiran, o lohikal na argumento ang pagpatay sa mga sinasabi ng pulis na ang mga namatay ay pawang mga tulak ng shabu na biglang binaril ang mga pulis sa gitna ng operasyon.

Halimbawa, nitong Martes ng umaga sa Quezon City ay limang katao, kasama ang lider ng sindikatong “Asero hold-up and carnapping group” na si Narciso Asero, ang mga namatay sa umano’y buy-bust operation ng Police Station 4 ng Quezon City Police District (QCPD).

Namatay din ang sinasabing ‘police asset’ sa pamamagitan umano ng pananakal sa kanya ng Asero Group matapos malaman ng sindikato na ang nasabing ‘bata’ ng pulis ang dahilan kung bakit natunton ng mga pulis ang kanilang kuta sa Novaliches, ayon kay Supt. Jeffrey Baldeo.

Ang sabi ni Supt. Baldeo, ‘nalilinya na sa droga ang Asero group.’

Dahil dito nagsagawa ng buy-bust operation ang pangkat ni Supt. Baldeo.

Ang ilan sa nakuha ay isang samurai, isang granada, isang kalibre 38, at shabu na hindi pa alam ang timbang.

Hindi na bago sa police reporter ang mga nakuhang ‘ebidensiya’ mula sa Asero Group.

Ang sinasabing nakuha ng mga pulis mula sa Asero Group matapos ang engkuwentro ay mga “regular” nang nakikita ng mga pulis mula sa mga kriminal tuwing matatapos ang kanilang operasyon.

Hindi namin sinasabing hindi sindikato, o hindi mga kriminal ang pangkat ni Asero.

Ang punto namin dito sa Tapat News online ay higit na marami ang katanungan sa engkuwentrong naganap sa pagitan ng mga pulis Quezon City at Asero Group kaysa mga kasagutan sa pagwasak ng kriminalidad sa lungsod at maging sa iba pang panig ng bansa.

Paano kung ang mga namamatay ay itinuro ng isang impormante na ‘bata’ ng kalabang sindikato?

Ibig sabihin, nabitag ang PNP sa gyera ng mga sindikato ng droga.

Ibig sabihin, napag-aralan ng sindikato na maaaring gamiting oportunidad ang gyerang idineklara ni Pangulong Duterte upang magkaubusan ang magkakalabang sindikato sa droga.

Kaya, naparami talagang katanungan sa mga nagaganap na pagpatay sa mga tulak ng droga.

Kung maraming tanong sa operasyon ng pulis, nangangahulugan lamang na kaduda-duda ito.

Kung ang lahat ng operasyon ng mga pulis ay kaduda-duda, nakakatakot itong maging batayan ng performance ng mga pulis.

Maganda kung mag-iimbestiga ang CHR hinggil sa serye ng patayan.

Pabor ang Tapat News online, sapagkat gusto naming malaman kung ano ang lehitimong operasyon ng mga pulis na nauwi sa pagkamatay ng mga kriminal at ano ang hindi.

Gusto naming malaman ng eksakto kung totoong lumaban ang mga kriminal, o hindi.

Totoong walang kapangyarihan ang CHR na kasuhan ang mga pulis, o sinumang nakalabag sa karapatang pantao ninuman, alinsunod sa batas na nagbuo sa nabanggit na ahensiya.

Ngunit, mainam na magsagawa ng seryoso at tapat na imbestigasyon ang CHR upang matukoy ang katotohanan sa nagaganap na serye ng pagpatay sa mga tulak ng shabu sa ating bansa.

Ang katotohang matutukoy ng CHR ay siyang magpapalaya sa ating mga pagdududa at sasagot sa ating mga katanungan.

Hindi ba’t mainam kung malaya ang ating isipan sa negatibong pananaw, o obserbasyon?

Hindi ba’t mainam kung ang bawat Pilipino ay positibo ang pananaw sa ginagawa ng pamahalaan para sa kanyang mamamayan at bansa?

You May Also Like