Papet Pasyon: Ibang klaseng pasyon

puppet
Papet Pasyon 2013
Marso 24 (Palm Sunday), 3:00 pm at 5:30 pm
Amelia Lapeña-Bonifacio Teatro Papet Museo
64 Mapagkawanggawa St.
Teacher’s Village East, Diliman, QC
Cell no. 0918-9032040 at email
mulatpuppets77@yahoo.com
LIBRE ANG PALABAS.
DALHIN ANG INYONG PALASPAS!

Ang mga pangyayari sa mga huling araw ng buhay ni Hesus ay ginugunita sa Pasyon o Pabasa. Sumasali ka ba dito taun-taon? Isa itong tradisyon na ginaganap pa rin sa maraming komunidad at parokya sa bansa tuwing Semana Santa.

May isang uri ng Pasyon na kung saan nabubuhay ang mga eksena sa pamamagitan ng mga papet! Hindi ito bago – 1984 pa nung sinulat ni Amelia Lapeña-Bonifacio (Lola Amel siya sa mga bata) ang isang papet drama para maihatid ang Pasyon sa mas batang henerasyon. Noong Domingo de Ramos o Palm Sunday ng1985 nag-premiere sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ang Papet Pasyon, na siyang naging paalala para sa mga mamamayan ukol sa tunay na kahulugan ng Cuaresma at Semana Santa.

Taun-taon kapag Palm Sunday, ang Teatrong Mulat ng Pilipinas – na siyang itinatag ni Lola Amel – ay nagpapalabas ng Papet Pasyon sa Amelia Lapeña-Bonifacio Teatro Papet Museo sa Quezon City. Kakaibang karanasan ang manood nito dahil ang tradisyonal na puppetry ay sining na hindi gaanong nabibigyan ng pansin sa eskwela, kaya’t siguradong makukuha ang pansin ng mga bata dito sa children’s theater kapag nagsimula na ang musika at aksyon ng palabas.

Si Nicole Bautista ay isang puppeteer na kasapi sa Teatrong Mulat ng Pilipinas mula noong 2004 at naging bahagi na ng ilang palabas ng grupo maliban pa sa Papet Pasyon. Ngunit nakikita niya ang nagagawa ng Palm Sunday na drama para sa mga kabataan.

“Nakikilala nila si Jesus at si Maria. Pagkakataon ito para ituro sa kanila sa ibang paraan ang tungkol sa dinanas ni Jesus nung mga huling araw niya, ng naiiba sa typical catechism set-up,” paliwanag ni Bautista.

“Itong Mulat, isa rin itong paraan na magkaroon pa ng mga kaibigan at magtulong-tulong bilang isang team. Dito sa teatro ko nakikita yung halaga ng bawat tao – kahit props ka mahalaga yung papel mo,” dagdag niya. “Kasi kunwari magkamali ka sa tinapay at kopa, eh di mukhang lumulutang na sila sa ere,” sabi niya sa pagpapaliwanag sa eksena ng Last Supper. (DU)

You May Also Like