Pa’no ba talaga singilin ang mga umaalpas sa utang?

Dear Ate Ami,

Greetings! Ang problema ko po ay tungkol sa paniningil ng utang. Ilan na ang nagsabing masyado raw akong mabait dahil pautang ako ng pautang, hindi ako humihindi. Maliit na amount lang naman, pero may isa akong ka-opisina na humiram ng malaki-laki. Akala ko tatakbuhan ako nung lumipat siya ng trabaho, pero hindi naman pala. Yun nga lang, natagalan bago niya nasimulang bayaran at ngayon ay may payment schedule na kami kada buwan. Mabait naman po kasi siya, kahit sa akin, kaya pinagpapasensiyan ko kahit na halos isang taon ang aabutin bago matapos ang pagbayad niya. Desidido na po akong hindi na ako magpapautang sa hindi ko masyadong kakilala, sa halatang gastador at sa suplada, dahil diyan ako nagka-problema. Pero ang gusto ko pong itanong sa inyo ay ito: paano ba masiguro na I get what is due me (yung amount na inutang) ng hindi hahantong sa pagkakagalit nung humiram? Kumbaga, kung magkaibigan kami, paano hindi masisira ang friendship pero makukuha ko pa rin ang nararapat sa akin? Posible po ba iyon?

By the way, I’m 26, currently a grad student and freelance writer, and a happy Catholic. Thanks in advance!

– Bangko ng bayan
Dear BB:

Kung makunat singilin ang pinautang mo, maaaring maging imposible ang hiling mong ma-preserve ang friendship and yet makuha mo what is due you. Hindi compatible ang dalawang istadong yan sa mga balasubas mangutang. Talagang aawayin ka pa niyan kahit anong bait mong maningil, dahil sa palagay niya, pag inaway ka niya, magagalit ka o magsasawa ka sa paniningil, so, mali-libre na siya, hindi na niya kasalanang hindi makabayad dahil titigil ka na sa paniningil.

So, this early, pumili ka kung ano ang mas mahalaga sa iyo, ang maibalik ang ipinahiram mo, o mapanatiling buo ang friendship ninyo?

Kung pipiliin mo ang friendship, itigil mo ang paniningil o pagpapaalala sa kanya sa utang niya. In short, kalimutan mo nang may atraso siya sa iyo. Kung pipiliin mo namang maibalik ang pera mo, magpagawa ka ng collection letter (sa abugado, notarized) at ipadala mo sa kanya. O idaan mo sa collection agency para hindi ikaw ang diretsong makipag-deal sa kanya—alam nila ang gagawin diyan na legal na paraan.

By the way, magkano kaya inutang niya sa iyo? Sampung libo ba? Daang libo? Kung ganoong kalaki, mahirap nga ang situasyon mo. Pero kung maliit lang, baka piliin mo na rin ang friendship ninyo lalo na’t kung close friends ko.

One thing about pagpapautang: let this serve as a lesson for you. Listen to what others say about your being “masyadong mabait” at hindi makahindi sa nanghihiram. Dinaanan ko rin yan eh, at mas mahirap pa kasi kamag-anak ang nangungutang. Di gaya ng kaibigan na puwede mong “iluwa”, ang kamag-anak, mapipilitan kang lunukin”. Pero natuto rin ako. Kasi nawiwili, nauuwi lagi sa “utang-kalimutan”, aba eh hindi naman ako bangko ng bayan! Nauubusan din ako! So nung magkataong ako na mismo ang nakakapos, naging madali sa aking tumanggi sa mga “nanghihiram”. Sinabihan ko sila diretso na kapos na kapos ako kaya pasensya na muna—tutal alam nila na kung meron ako, lagi akong tumutulong. At nung medyo nakabangon naman ako sa financial difficulties ko, sige ulit ang tulong ko, pero may hanggahan. Kailangan nila ng 5,000 na ipangsisimula daw ng lugawan? Inabutan ko ng 1,000, sabay sabi ng: “Sorry, talagang iyan lang ang kaya ko, pero huwag mo nang bayaran iyan, ambag ko na iyan sa bagong negosyo mo.” Ginawa ko rin iyon sa iba pang gustong mangutang; tinatanggap nila ang ambag ko, PERO HINDI NA NILA AKO INAAABALA PARA MANGUTANG ULIT. Siguro napapahiya, pero for me, effective. Bilang isang Kristiyano, hindi ko pinagkakaitan ang kapwa ko, pero hindi na rin nila mapagsasamantalahan ang kabaitan ko.

Dapat din nating suriin ang ating mga motibo sa pagiging “sobrang mabait”. Baka ito’y nanggagaling lamang sa ating hangad na maging “mabango” sa ating kapwa, na maturingang “mabait”, “generous”, “charitable”, what have you, o para huwag tayong tawaging “kuripot” o “maramot.” Ang tunay na charity ay hindi nag-iisip na “pagandahin” ang sarili nating imahen sa publiko. Ito’y tunay na pagmamahal sa kapwa, at maipapakita ito sa pagtulong sa kanilang umahon sa mga maling bisyo nila. Amen. – Ate Ami

You May Also Like