PANG ELEKSYON LANG PALA ANG ‘WASAKIN ANG KONTRAKTUWALISASYON’—BMP

kontraktuwalisasyon-7

 

Ni: Roy Bersales

 

TAHASANG binatikos ng ng isa sa mga organisasyon ng mga manggagawa sa bansa si Pangulong Rodrigo Duterte mismo hinggil sa pangako nito sa nakalipas na eleksyon na wawasakin daw niya ang kontraktuwalisasyon kapag siya na ang Pangulo ng Pilipinas.

Inulit uli ni Duterte noong Hulyo ang kanyang paniniwala na dapat nang matapos ang kontraktuwalisasyon sa bansa, sapagkat kawawang-kawawa ang mga manggagagawang hindi nareregular sa trabaho kahit higit na sa anim na buwang empleyado ng kumpanyang pinapasukan.

Ayon kay Labor Secretary Sylvestre Bello III, mayroon namang nangyari sa pangako ni Duterte dahil sa loob ng 100-araw ay mahigit 10,000 manggagawa mula sa 195 kumpanya ang naging regular.

Ang 4,796 s 10,000 ay galing sa mga kumpanya ni Henry Sy.

Si Sy ay itinuturo ng mga samahan ng mga maggagawa na pasimuno ng samu’t-saring porma ng kontraktuwalisasyon sa bansa.

Ang istadistikang ibinida ni Bello ang siyang ipinagngingitngit ni Leody De Guzman, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), dahil ang mahigit 10,000 ay masyadong napakaliit kung ang kabuuang bilang ng mga kontraktuwal na binabanggit ng pamahalaan ay 1.3 milyon.

Idiin ni De Guzman na wala pa sa isang porsyento ng 1.3 milyong kontraktuwal, kaya walang dapat ipagmalaki si Bello, sa partikular, at walang dapat ipagyabang ang administrasyong Duterte, sa pangkalahatan, sapagkat napakanipis ng nagawa nito para sa manggagawa.

Dahil sa sobrang nipis ng nagawa, naniniwala tuloy ang BMP na pang eleksyon lamang ang pangako ni Duterte noong panahon ng kampanya na kapag siya na raw ang maging Pangulo ng Pilipinas ay mawawala na ang kontraktuwalisasyon.

Ayon naman kay Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), mainam nang simula ang mahigit 10,000 manggagawang naging regular, ngunit idiniin niyang kailangan pa ng ibayong pagpupursige ni Bello upang tuluyang mawala ang kontraktuwalisasyon.

Ani Atty. Matula, dapat palaging tandaan na ang kontraktuwalisasyon ay tahasang paglabag sa Saligang-Batas at batas-paggawa.

Idiin din dati ni Atty. Matula na obligasyon at pananagutan ng pamahalaan na bigyan ang mga manggagawa ng regular at disenteng trabaho na ang sahod ay kayang makabuhay ng pamilya.

Tiniyak naman ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), na hindi titigil ang PM sa pakikibaka hanggat mayroong manggagawang hindi nareregular sa trabaho at ang sahod ay hindi kayang  ipambuhay ng pamilya.

Ayon kay De Guzman, kung tutuusin ay kayang-kaya ng Department of Labor and Employment (DOLE) na puwersahin ang lahat ng kapitalista na gawing regular ang kanilang mga manggagawa at empleyado kung gagamitin lamang ni Bello ang kapangyarihan ng DOLE.

Inilinaw uli ni Atty. Matula na ang kontraktuwalisasyon a hindi lamang sa pribadong sektor nagaganap, kundi talamak din ito sa pamahalaan.

Ayon sa beteranong lider at abogado ng mga manggagawa, dapat hindi hinahayaan ng pamahalaan na magkaroon ito ng kontraktuwal, sapagkat alam nitong tahasang paglabag ito sa Konstitusyon at batas-paggawa.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like