Panawagan ng CBCP sa publiko: ‘Maging responsable sa kalusugan’

fr soc villegasMANILA — Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mananampalataya na maging tagapagtaguyod ng kalusugan sa pamamagitan ng banal at wastong pamumuhay.

Ayon sa isang statement na ipinalabas ng CBCP kamakailan, “Ang buhay ng tao ay dapat ipalaganap at ipagtanggol mula sa pagkakabuo hanggang sa natural na kamatayan. Ang ating buhay ay nasa ating mga kamay upang maging tagapagtaguyod ng regalo ng buhay, ang ating pagtataguyod ng buhay ay nananawagan sa atin upang maging responsable.”

Sa naturang Easter Pastoral Instruction on the Stewardship of Health, sinabi ng pinuno ng diyosesis ng Lingayen – Dagupan na si Arsobispo Socrates Villegas na dahil sa desisyon sa Reproductive Health law ay minabuti ng CBCP na magtakda ng mga alituntunin patungkol sa Kristiyanong pag-unawa sa kalusugan.

Dagdag pa ng arsobispo, “Samantalang ating nirerespeto at kinikilala ang karapatan ng Estado upang magpanukala ng batas, atin rin namang kinikilala na karapatan ng mga pari na magturo ng patungkol sa Kristiyanong pag-unawa sa kalusugan na siya namang kontra sa depinisyon ng kalusugan sa RH law.”

Ipinagdiinan naman ng arsobispo ang kahalagahan ng pag-alaga sa katawan, at sinabing hindi ito “pagpapakita ng pagkabanidoso”, bagkus ito ay “obligasyong espiritwal bilang mabuting tagapagtaguyod ng buhay.”
Sinabi rin ng CBCP na ang ating pisikal na katawan ay “hindi lang simpleng materyal na luklukan ng kaluluwa” ngunit “importanteng aspeto ng mga taong kawangis ng Diyos.”

Ayon sa katesismo, ang kabutihan ng pagtitimpi ay kinakailangan upang higit na maunawaan ang paggawa ng tama; hustisya, pagbigay ng naayon sa kapwa; pag-aalay, kontroladong pagkahumaling sa kasiyahan; at tibay ng loob, upang maging matatag at matiyaga sa paggawa ng mabuti.

Dagdag pa ni Villegas, “Ang kabutihan ay matututunan sa edukasyon, na binuo sa pamamagitan ng kinagawian at sinadyang kasanayan, at puspos ng biyaya ng Diyos.”

You May Also Like