Pananakot at hikahos sa tuwid na daan

vol 1 no 11

Halos magdadalawang taon na ang nakalilipas nang pagdesisyunan ng Kataas-taasang Hukuman ang pagpapamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita na pagmamayari ng mga kamag-anak ni Pangulong Benigno Aquino III. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw ang patutunguhan ng mga ipinaglalaban ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Kamakailan, inakusahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) si PNoy at ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng pang-haharass matapos diumano magpadala ng ilang trak ng sundalo ang pamilya ni PNoy sa Hacienda Luisita.
Pinaniniwalaan din na mayroon pang shares o parte si PNoy sa nasabing lupain taliwas sa sinabi noon ng Pangulo na naibenta na niya ang kanyang bahagi.

Sinasabing namana ni PNoy ang parte sa lupain mula sa kanyang inang si dating Pangulong Corazon Aquino ngunit sinabi na rin noon ni Cory na naibenta na ito. Ayon din sa batas, ang anumang parte o mga business interest ay dapat bitawan sa sandaling maupo bilang pangulo o ‘di kaya naman bilang miyembro ng Gabinete.

Kung ganoon man, bakit ngayon lamang naibenta ni PNoy ang kanyang shares? Sa pagkakaupo niya bilang pangulo, lumaki diumano ang ‘net worth’ ni PNoy na nakasaad sa kanyang statement of assets and liabilities o SALN.

Samantala, ang grupong Ambala (Alyansa ng Manggagawa sa Asyenda Luisita) naman ay nakiusap sa Kataastaasang Hukuman na ipag-utos ang madalian at kumpletong pamamahagi ng lupaing may kabuuang sukat na 4,335 ektarya na taniman ng asukal.

Ayon sa isang report, ikinababahala naman ng KMP ang pagdagsa ng mga militar, pulis at ilang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Hacienda Luisita na naghahanap sa mga lider ng AMBALA na sina Lito Bais, Gil Palaganas, Gaudencio Halili, at Mary Jane Taruc.

Nagpapakita lamang ang ganitong aksyon ng kawalan ng interes na tugunan ang hinaing ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na lubhang nalugmok sa kahirapan. Tayo mismo ay pinalad na makilala ang isa sa mga lider ng AMBALA, and kapatid na si Lito Bais, nang magkaroon ng isang pagpupulong dito sa Maynila. Sadyang nakaaawa ang kanilang kalagayan. At noong aming pagkikita, nakiusap pa si kapatid na Lito ng pandagdag sa kanyang pamasahe pauwi ng Tarlac.

Kailan ba tutungo sa daang matuwid ang direksyong ipinaglalaban ng mga magsasakang ito? Kung nakayanan noon ni PNoy na gawan ng paraan na maipasa ang ‘Sin Tax’ bill, totoo bang nakagapos ang kanyang mga kamay sa isyung pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita?

Malapit na naman ang State of the Nation Address (SONA) ni PNoy at inaasahang muli niyang ipagmamalaki ang sinasabing ‘economic growth’ ng bansa. Sana lamang, isiwalat din ng pangulo ang sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na may 624,000 mga manggagawa mula sa sektor ng agrikultura ang nawalan naman ng trabaho.

Ayon din naman sa National Statistics Office (NSO) nitong Abril, bumagsak ang bilang ng trabaho ng 7.5% o tinatayang may 3.08 milyong trabaho ang nawala. Ito ay sa kabila ng pagmamalaki ng palasyo sa 7.8% na pagsulong ng ekonomiya.

Ano ba ang mga ito sa karaniwang magsasaka? Para sa ating mga kapatid na magsasaka, ang tanging pag-asang makatanggap ng lupa ang maaaring makapag-aangat sa kanilang naghihikahos na kalagayan. Paulit-ulit na ang usapan, pagkilos na ang kinakailangan. Madaling maipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita kung gugustuhin at makikiisa tayo sa kanilang ipinaglalaban tungo sa tuwid na daan.

You May Also Like