Panalangin para sa Zambo

yenNakahihilo ang mga balita ngayon sa bansa. Alin ba ang mas importanteng isyu: ang krisis ng nagaganap ngayon sa Zamboanga? O ang sistema ng pork barrel na lumustay sa kaban ng bayan?

Kahit alin naman sa dalawa ang mauna para sa atin ay tila mga bitukang magkakakabit lamang ‘yan.

Isang araw bago pumutok ang balita tungkol sa Zamboanga, dapat papunta na ako kasama ang isa pa para sa isang ‘community outreach’, na may kinalaman sa isang kilalang fraternal association, ang Knights of Columbus. Naisip ko na lamang, talagang pinagaadya pa kami sa kapahamakan. “Muntikan na”, ika nga dahil hindi natin masabi kung ano ang maaaring mangyari sa amin pagdating namin doon, napakaalanganin kahit pa mabuting intensyon ang pakay namin.

Nakalulungkot lamang na mabalitaan na tatlo sa mga miyembro ng Knights sa Zamboanga ay biktima ng kaguluhan. Dalawa sa mga ito ay nabihag at isa ay napaslang, sina Fr. Michael Ufana (Council 8209), Brother Nonito Estrada (Council 13547) at ang pumanaw nating kapatid na si Brother Francisco Macrohon (Council 11515).

Pinakawalan si Fr. Ufana, samantala si Nonito ay nanatiling bihag. Si Francisco naman ay namatay sa tama ng bala dahil napagkamalan diumano itong armado (‘di pa alam kung kaninong panig ang bumaril). Ang huli ay isang barangay tanod na nagroronda upang siguraduhin ligtas ang kanyang ka-barangay nang ito ay masawi.

Sa ngayon, si Fr. Ufana ay nananawagan na palayain na ang lahat ng mga bihag at huwag nang mandamay pa ng iba. Samantalang ang pamilya ng nasawi nating kapatid ay humihingi ng tulong pinansyal at moral, lalo na sa mga ka-miyembro nito sa Knights of Columbus sa loob at labas ng bansa.
Sama-sama tayong manalangin na sana ay matigil na ang krisis na ito, sana wala nang madamay o masawi pa na sibilyan nang dahil sa bakbakan. At sa pork barrel issue, sana lumabas na ang katotohanan. (re4teraker@hotmail.com)

You May Also Like