Palpak na mga Proyekto, Hindi Magaganap sa Administrasyong Duterte

 

MABILIS AT SABAY-SABAY: Ganito ang mangyayari sa implementasyon ng mga pang-imprastrakturang proyekto ng administrasyong Duterte.
MABILIS AT SABAY-SABAY: Ganito ang mangyayari sa implementasyon ng mga pang-imprastrakturang proyekto ng administrasyong Duterte, ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno.

Ni: Marites Badilla

 

INAMIN ni Budget Secretary Benjamin Diokno na palpak ang implementasyon ng mga proyektong imprastraktura ng nakalipas na mga administrasyon, kaya babaguhin na ito ng administrasyong Duterte.

Sabi ni Diokno, ang desisyon ng kasalukuyang pamahalaan ay rerebyuhin at pag-aaralan ang mga proyekto ng nakalipas na administrasyon na hindi pa napapatupad—kung okey ang mga ito ay ipatutupad ang mga ito nang walang maraming seremonya.

At mas mabilis na implementasyon upang magamit din kaagad, dagdag ng opisyal.

Hindi katulad dati na kapag bago ang administrasyon ay  binabago rin ang proyektong pang-imprastraktura at saka ipatutupad na lalong nagpapabagal bago matapos ang isang proyekto, aniya.

Idiniin ni Diokno na sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay sabay-sabay na gagawin ang lahat ng mga imprastrakturang proyekto upang maramdaman ang pagsulong at pag-angat ng ekonomiya.

Ayon sa kalihim na isa ring ekonomista, sa mga nakaraang administrasyon ay masyadong matagal ang implementasyon ng mga proyekto na umaabot ng tatlo hanggang higit isang dekada bago matapos, kaya sa halip na makatulong upang sumulong at umangat ang ekonomiya, naipit ang takbo ng ekonomiya kaya hirap makausad nang maayos at mabilis.

Tatanggalin na ito ngayon, upang magroon ng epekto sa ekonomiya ang mga pang-imprastrakturang proyekto, pagtitiyak ni Diokno.

Sabi niya, sa darating na 2017 ay gagastos ang pamahalaan ng 5.4% na katumbas ng gross domestic product (GDP) para sa implementasyon ng mga proyekto.

At posibleng tumaas ito hanggang 7.2% sa 2022, patuloy ng kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).

Sa kasalukuyan, mayroong 13 proyekto ang nasa ilalim ng konseptong public-private partnerships (PPP) na ang kabuuang halaga ay P293.3 Bilyon.

Bago matapos ang 2017, labingpitong proyekto pa ang ikakasa ng adminitrasyong Duterte na sakop din ng PPP.

Nasa P580 Bilyon ang kabuuang halaga nito.

Madadagdagan pa ito hanggang bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Lahat ng proyektong sakop ng PPP ay dapat matapos sa loob ng 18 buwan hanggang 20, sa halip na 29 buwan, dagdag ni Diokno.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like