Palpak ang PDEA

KUNG ang mga opisyal at hepe ng public information office (PIO) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Glenn Mapalad ang tatanungin, tiyak hindi palpak ang ahensyang ito noong panahon ni Arturo Cacdac, Jr.

Natapos ang pamumuno ni Cacdac sa PDEA kamakailan lamang.

Halos mag-aapat na taon ding pinamunuan ni Cacdac ang PDEA bilang director-general.

Ngunit, ang PDEA na tinaguriang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na lumalaban sa ipinagbabawal na gamot tulad ng methamphetamine hydrochloride, o mas kilala sa tawag na ‘shabu’ sa Pilipinas, ay palpak sa panahong si Cacdac ang pinuno nito.

Ayon sa dating pinuno ng PDEA na si Director-General Dionisio Santiago na pinalitan ni Cacdac, lumabas sa pag-iimbestiga ng PDEA, mayroong 23 alkalde sa iba’t ibang  panig ng bansa ang pasok sa negosyo  ng droga.

Ipinasa ang nasabing ‘wastong impormasyon’ kay dating Pangulong Benigo Simeon Cojuangco Aquino 3rd, ngunit walang nangyari.

 

 

Hindi kaya, mga kabarkada, kabarilan, o kalaro sa dota ni Aquino ang 23 alkalde, kaya binalewala ang report ni Santiago?

Siyempre, alam na alam ng PDEA ang tungkol sa impormasyon ni Santiago hanggang si Arturo Cacdac, Jr.

Ngunit, malinaw pa kung ikukumpara sa sikat ng araw na mayroong 23 alkalde ang sangkot sa negosyo ng droga, ngunit nagmistulang bulag, o nagbulag-bulagan ang PDEA sa pamumuno ni Cacdac laban sa 23 alkalde.

Ang sabi ni Mapalad, hindi naman puwedeng kasuhan, o hulihin ang 23 alkalde, sapagkat wala naman sa akto sila.

Ano bang ‘akto’ ang ibig ipunto ni Mapalad?

Aktong nagsasalita ang mga alkalde tungkol sa negosyo ng shabu, o aktong humihithit ng shabu?

Haaaay naku, malabo ang punto ni Glenn Mapalad.

Ngayong si director-General Isidro Lapeña na ang hepe ng PDEA, inaasahang may gagawin ito laban sa 23 alkalde at iba pang moog na sa negosyong iligal na droga.

Kailangang may resulta, mayroong produkto si Lapeña dahil siya ang pinagkatiwalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para pamunuan at pamahalaan ang PDEA.

Ang tiwalang iyan ay dapat siya ring maging tiwala ng publiko kay Lapeña, bilang pinuno at lingkod-bayan, sa isang bansa, at sa PDEA, bilang institusyon at ahensiya ng pamahalaan.

Malaking trabaho ang nakaatang kay Lapeña at sa PDEA pagdating sa ipinagbabawal na gamot, bukod pa sa Philippine National Police (PNP), kaya dapat pagbutihin ng PDEA ngayong si Director-General Isidro Lapeña ang pinuno ng nasabing ahensiya.

Tandaan din ni Lapeña at ng mga iba pang opisyal at maging ng mga kawani ni PDEA na kung gaano kalaki ang trabahong nakaatang sa kanila ay gayun din kalaki ang pananagutan nila sa mamamayang Pilipino.

Kaya, mainam kung hindi nila bibiguin ang mamamayan—at si Pangulong Duterte.

You May Also Like