Palawigin ang adbokasyang pro-life – obispo

Bishop Gabriel V. Reyes
Bishop Gabriel V. Reyes

MANILA – ISANG Katolikong Obispo ay nanawagan sa mga Pilipino na palawigin, ipaglaban at pagtibayin ang turo ng Simbahang Katoliko tungkol sa kahalagahan ng buhay, lalong-lalo na ngayong buwan ng Pebrero.

Ayon kay Antipolo Bishop Gabriel Reyes, mas malaki ngayon ang pangangailan para sa mga laykong handang manindigan para sa buhay, at maging kampeon ng mga mahihirap, mahina, maging ng mga sanggol sa sinapupunan.

Bilang chairman ng Episcopal Commission on Family and Life, itinataguyod ni Bishop Reyes ang iba’t-ibang aktibidad ng Pro-Life Philippines sa buong buwan ng Pebrero. Binibigyang-diin din ng naturang Obispo ang mensahe ng Ebanghelyo tungkol sa buhay at pag-ibig sa buhay ng sambayanan.

“Tayo ay nasa gitna ng isang giyerang espirituwal. Dapat panindigan ng bawat layko ang Kaharian ng Diyos sa gitna ng pulitika, masa, social media at serbisyong pampubliko. Ang bawat Katoliko ay dapat maging banal at may malalim na kaalaman upang maipalaganap ang mensahe ng Ebanghelyo sa lahat ng tao, sa lahat ng lugar, sa bawat institusyon,” ani Bishop Reyes.

“Ang ipaglaban ang kahalagahan ng buhay, pamilya at ng kasal ay sapat na dahilan upang makibaka ang mga Katoliko,” dagdag pa ng obispo.

Ang Pebrero ay tinaguriang Buwan ng Buhay, kaya’t sa ika-27 taon ng pagdiriwang ng ‘Pro-Life Month’, may mga nakahandang programa na naglalayon na hikayating maging aktibo ang layko sa mga adhikaing pro-life.
Hinimok din ni Reyes ang layko na ibuhos ang kanilang lakas at kakayahan upang maitaguyod ang kahalagahan ng buhay, at tuluyang “ilayo sa kultura ng kamatayan ang bansa.”

Binanggit din ni Bishop Reyes ang pahayag ni Pope Francis, “Ang populasyon na hindi nagtataguyod ng kanyang matatanda at ng kanyang kabataan ay walang kinabukasan, sapagka’t kusa nitong itinatatwa ang kanyang alaala at ang kanyang pangako.”

You May Also Like