Pagtataas ng matrikula, ikinagalit ng mga estudyante

Carizza Ibañez

Umalis sa kani-kanilang mga silid-aralan ang ilang mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) bilang protesta sa mga nakatakdang hindi makatarungang pagtataas ng matrikula na ipatutupad ng Commission on Higher Education (CHED) sa susunod na taon.

Ayon sa mga estudyanteng nakilahok sa kilos-protesta, pinadalhan na nila ng liham ang Malacañang noong nakaraang linggo, ngunit wala silang natanggap na tugon mula sa mga opisyal doon.

Nakasaad sa kanilang liham ang apat na bagay. Una, hiniling nila na itigil na ang patuloy na pagtaas ng matrikula, na anila’y dumoble sa ilalim ng pamahalaang Aquino; ikalawa ay ang panawagang tanggalin na ang mga miscellaneous fees na anila’y hindi naman nagagamit; ikatlo, nakiusap din ang mga estudyante na repasuhin na ang Education Act of 1982 na ayon sa kanila’y inoobliga ang mga higher education institutions (HEIs) na magtaas ng matrikula taun-taon; at ikaapat ay ang pagtitigil ng komersalisasyon at deregulasyon ng edukasyon.

Ngunit itinanggi ni CHED Executive Director Julio Vitriolo na dumoble ang dagdag sa matrikula ng mga estudyante sa kolehiyo nitong nagdaang anim na taon.

“On the contrary, mababa ang last inflation index or education deflator kung saan mababa ang rate of increase based on that,” ani Vitriolo.

Iginiit pa ni Vitriolo na sa ngayon ay wala pang naaaprubahang pagtataas ng matrikula at inudyok ang mga estudyanteng maghanap ng iba pang kolehiyong hindi pa nagpapatupad ng dagdag-singil.

“May presyo ang pag-aaral sa kolehiyo. Assess nila ang options nila. May programs sa TESDA na hindi ganoon kataas ang tuition, mga programs na magagamit nila pag-akyat sa kolehiyo.”

Dagdag pa ni Vitriolo, may mga programa naman ang CHED na naglalayong makatulong sa mga mag-aaral na kapos upang makayanan ang mabigat na matrikula.

Nanindigan naman ang ilang mga mambabatas na nakilahok sa kilos-protesta na kaya namang gawing libre ang pag-aaral sa kolehiyo kung tataasan lamang ng gobyerno ang pondong nakalaan para sa edukasyon.

You May Also Like