Pagpapaunlad ng sports ipopukos sa lalawigan

 

 

Ni: Marites Badilla
 
TINIYAK ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na magkakaroon ng malaking pagbabago sa sports sa Pilipinas, ngunit hindi na ito nakatutok sa Mega Manila, kundi sa mga lalawigan.
 
Ang ideyang ito ay mula kay Hidilyn Diaz na kinatigan ni Duterte.
 
Si Diaz ang kinikilalang ‘bayaning atleta’ sa ngayon matapos mapalunan nito ang Olympic silver medal sa 53-kg event ng weightlifting competition sa Olympic Games sa Rio de Janeiro.
 
Ipinakita ni Diaz sa Pangulo ang natanggap niyang silver medal nang magkortesiya ang atleta kay Duterte nitong Huwebes ng gabi sa Panaca, Davao City.
 
Nagalak si Duterte sa ipinamalas na husay ni Diaz, kaya dinagdagan pa ng Pangulo ng P2 Milyon ang P5 Milyong pampinansiyang pabuya na tinanggap ni Diaz mula sa pamahalaan.
 
Tingin ng Pangulo, kulang pa ang P5 Milyong pabuya.
Ang P5 Milyong ay pagkilala ng estado sa mga atletang nanalo ng silver medal sa Olympics alinsunod sa itinakda ng Republic Act No. 10699.
 
Sampung milyon naman ang pabuya kung medalyang ginto ang mapapanalunan ng atleta, saad ng parehong batas.
 
At P2.5 Milyon kung tanso ang nakuha ng atleta.
 
Ang layunin ng pampinansiyang pabuya ay bilang pagkilala sa katangi-katanging karangalan na ibinigay ng atleta sa Pilipinas.
 
Tatanggap pa rin ng karagdagang P500,000 si Diaz mula naman sa pamahalaang lokal ng Lungsod ng Zamboanga.
 
Ayon kay Diaz, ilang porsiyento ng natanggap niyang pera ay ilalaan niya sa pagpapatayo ng modernong weightlifting facility malapit sa kanilang bahay upang makahikayat pa ng mas maraming atleta sa mga susunod na panahon na lalaban sa iba’t ibang kompetensiya sa larangan ng palakasan sa ibang bansa.
 
Natuwa si Duterte sa ideya ni Diaz, kaya idiniin ng Pangulo sa media na kailangan ng bansa ng “good sports facilities.”
 
Pero, inilinaw ni Duterte na ang sports facilities ay mainam na ilagay sa ilang piling lalawigan kaysa sa Metro Manila na naman.
 
Higit na makakahikayat ng mga potensiyal na atletang panlaban sa ibang bansa kung sa lalawigan itatayo ang sports facilities, patuloy ng Pangulo.
 
Aniya, “ipinapakita ng kasaysayan na ang Manila ang sentro ng mga paghahanda at pagpapahusay ng mga atleta. Bihirang makasama ang mga nasa liblib na bahagi ng bansa.”
 
Ito ang dahilan kung bakit mas gusto ng Pangulo na ang pagbabagong magaganap sa sports ay sa kanayunan at hindi sa sentrong lungsod ng bansa.

You May Also Like