PAGPAPASARA SA 21 MINAHAN SUPORTADO NI DUTERTE

 

 

SUPORTADONG-SUPORTADO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ni Environmeent Secretary Regina Paz Lopez na ipasara ang 21 mining firms sa iba’t ibang panig ng bansa.

Idiniin ni Duterte na wala siyang magagawa kung nagpasya si Lopez na ipasara ang mga abusadong kumpanya dahil mayroong itong sapat na batayan sa pagpapasara.

Nang dumalaw ang Pangulo sa Surigao del Norte matapos yanigin ng malakas na lindol, nakita mismo ni Duterte ang lawak at tindi ng pinsala sa kapaligiran na iniwan ng mga nagmimina.

Aniya, kung hindi lilinisin ng mga mining company ang dumi at perwisyong iniwan nila sa paligid ng pinagmiminahan ay mapipilitan siyang tuluyang ipasara ang mga kumpanya.

Sa Surigao del Norte, pitong mining firm ang ipinatigil ang operasyon ni Lopez.

Tiniyak ni Duterte na bibigyan ng pamahalaan ng alternatibong mapagkikitaan ang mga manggagawa sa minahan na mawawalan ng hanap-buhay.

Sabi ni Lopez, ang pagmimina sa bansa ay walang malaking ambag sa pagkakaroon ng trabaho at maging sa gross domestic product (GDP).

Ang GDP ay kabuang halaga ng mga nagawang produkto at serbisyo sa isang panahon.

Sukatan din ito ng pag-angat at pag-unlad at maging pagbagsak ng ekonomiya ng bawat bansa.

Pinatunayan ng Ibon Foundation, isang independent research group, na napakaliit lamang ang ambag ng industriya ng pagmimina sa larangan ng trabaho.

Ayon sa Ibon, mahigit 200,000 ang naibibigay na trabaho ng mga mining company bawat taon simula noong 1995.

Wala pa sa limang porsiyento ang ambag nito sa GDP kada taon simula noong 1995, patuloy ng Ibon.

Umarangkada  ang industriya ng pagmimina sa bansa makaraang aprubahan ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 1995 ang batas sa pagmimina.

Naniniwala si Ramos noon na uunlad ang ekonomiya ng Pilipinas kung bubuhayin at pasisiglahin ang idustriya ng mina sa pamamagitan ng pagkakaroon ng batas na magsisilbing ligal na pulisiya ng nasabing industriya.

Kinatigan at sinuportahan ng  Alyansa Tigil-Mina (ATM) ang desisyon ng kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil kumbinsido ang nasabing organisasyon na wasto ang pasya ni Lopez.

Ayon sa ATM at Ibon Foundation, ang totoong kumikita sa pagmimina ay ang mga kapitalistang nagmamay-ari ng mining firms.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like