Pagpapahalaga sa Buhay ayon kay Bl. John Paul II

live freeItong nakaraang Oktubre 22 ay ating ipinaggunita ang kapistahan ni Blessed John Paul II. Marahil, karamihan sa atin ay lubos na nalungkot sa kanyang pagpanaw, subalit, ang kanyang mga inspirasyon ay buhay na buhay sa ating mga puso.

Isa sa kanyang importanteng pinamana sa atin ay ang pagtatanggol at pagtaguyod sa kahalagahan ng buhay. Tunay na siya ay isang “Champion of the Dignity of Life and Love”.

Kanyang hinamon ang ‘kultura ng kamatayan’ (culture of death), kung saan ang tao ay itinuturing na isang instrumento lamang na maaaring gamitin sa halip na isang katangi-tanging regalo na nararapat pahalagahan.

Binuo niya ang isang bagong pagkilala sa ‘kultura ng buhay’ (culture of life) kung saan ang bawat tao, anumang edad o estado sa buhay ay kinikilalang mayroong hindi malalabag na karangalan at mga karapatan sa buhay, kalayaan at pag-ibig.

Bilang isang “prolife advocate”, malaki ang aking natutunan sa kanyang mga adhikain. Bilang isang ina, ako ay nagpapasalamat sa pribiliheyong makapagsilang ng bagong buhay sa mundo. Bilang isang babae, ako ay nagagalak sa buhay na ipinagkaloob sa akin.
Tunay na mahalaga ang buhay anuman ang sitwasyong ating hinaharap at mga hamon na ating pinagdadaanan. Marami sa atin ang nahihirapang pahalagahan ang buhay, lalo na kung mukhang wala itong pinatutunguhan. Subalit, anumang hamon ng buhay, hinuhubog nito ang ating pagkatao. Dito natin mapapatunayan ang tunay na katatagan ng ating kalooban at pananampalataya.

Sa aking mga pinagdaanan at pinagdadaanan, maraming beses na ring nasubukan ang aking paninindigan. Ngunit, sa bawat pagsubok ay may naka-abang na tagumpay. Dito ko napaatutunayan sa aking sarili ang kahalagahan ng bawat minuto, bawat sandal ng bawat buhay.
Salamat Blessed John Paul, sa pagpapaalala mo sa amin ng kahalagahan ng aming buhay at pagkatao.

You May Also Like