Pagmimina ng Semirara ititigil na

 

 

 Ni: Marites Badilla
 
POSIBLENG itigil na ang pagmimina ng Semirara Mining and Power Corporation (SMPC) sa Antique sa susunod na linggo kung hindi makukumbinsi ng kumpanya ang Department of Energy and Natural Resources (DENR) na huwag kanselahin ang Environmental Compliance Certificate (ECC) ng Semirara.
 
Magpaliwanag kayo
 
Humihingi ang DENR ng katanggap-tanggap na paliwanag mula sa Semirara sa loob ng pitong araw para malaman kung wastong manatili ang ECC nito upang magpatuloy ang pagmimina nito sa Caluya, Antique.
Natanggap ng Semirara ang “show of cause letter” mula sa DENR ngayong Martes lamang.
 
Mayo pa pala
 
Ang kaso ng DENR ay may kinalaman sa resulta ng isinagawang fact-finding ng DENR noong Mayo 23 hanggang Mayo 27 sa pagmimina ng Semirara sa Caluya, Antique.
 
Batay sa ulat ng DENR, ang proyekto ng Semirara na Molave Coal Mine Expansion ay hindi sumunod sa isa sa mga hinihinging kondisyon ng ECC.
 
Ganito ang eksaktong binabanggit na kondisyon: “On Condition No. 1.a: No proper stockpiling and disposal of the materials scooped out from the settling ponds, and other solid wastes impermanent, stabilized areas to avoid pollution of any water body and drainage systems, and maintaining them in safe and non-polluting conditions.”
 
Noong Mayo pa ang isinagawang imbestigasyon ng DENR sa proyekto ng Semirara, ngunit hindi naipaliwanag kung bakit pinabayaan ng DENR sa pamumuno ni dating DENR Sec.  Ramon Paje ang kaso laban sa Semirara.
 
Iba pang kaso sa DOE
 
Nahaharap din ang Semirara sa iba pang kaso tulad ng toxic waste, sulfur mula sa naipoproduce na uling, at pangangamkam ng lupa na nakahain sa Department of Energy (DOE).
 
Pinagpapaliwanag ng DOE sa loob ng 48 oras mula Lunes ang Semirara hinggil sa mga nasabing reklamo laban sa kumpanya.
 
Mga namatay
 
Ang Semirara ay naharap din sa kontrobersiya noong Hulyo 2015 nang siyam na manggagawa ng kumpanya ang namatay habang nagtatrabaho.
 
Pansamantalang ipinatigil ng DOE ang operasyon ng Semirara habang isinasagawa ang imbestigasyon ng kagawaran laban sa Semirara.
 
Ngunit, hindi nakasuhan ang Semirara at pinayagan din na ipagpatuloy ang pagmiimina nito sa Antique, sapagkat ayon sa DOE hindi kagustuhan ng Semirara ang pagkamatay ng siyam na empleyado ng Semirara.
 
Noong 2013, limang manggagawa rin ang mga namatay na empleyado ng Semirara habang nagtatrabaho, ngunit idiniin din ng DOE na walang nagawang pagkakasala ang Semirara, sapagkat aksidente umano ang pagkamatay ng lima.
 
Sa Semirara ang Semirara
 
Simula Pebrero 1980, ang Semirara ang siyang may ekslusibong ligal na karapatan “to explore, extract and develop the largest coal mine in the country” sa Isla ng Semirara sa Antique, ayon sa business profile ng kumpanya.
 
Taong 1997, pumasok ang DMCI Holdings Inc. sa Semirara kung saan nabili nito ang 40 porsiyentong sapi ng Semirara, ayon sa business profile ng kumpanya.
 
Binayaran din ng DMCI ang P2.5 Bilyong utang ng Semirara noong 1997 din, sabi rin sa business profile ng Semirara.
 
Sa kasalukuyan, 56% na ang pag-aaring sapi ng DMCI Holdings Inc. sa Semirara.
 
Ang Semirara ay higit 90 porsiyento ang kontrol ng coal mining sa Pilipinas.
 
Ibig sabihin, DMCI ang may kontrol sa Semirara.
 
David Consuji
 
Ang DMCI ay pag-aari ng pamilya Consuji sa pangunguna ni David Consuji Jr.  
 
Si Consuji ay isang civil engineer na nagtapos sa University of the Philippines.
Siya ay naging kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 1970 – 1975.
 
Maraming negosyo si Consuji kung saan ikinokonsolida niyang lahat ito noong 1995 sa pamamagitan ng pagtatayo ng DMCI Holdings Inc.
 
Mula noon, dumami pa ang negosyo ni Consuji.
 
Ayon sa Forbes Magazine, si Consuji ay ika-6 na pinakamayamang Pilipino noong 2014 na may kabuuang yaman na $3.9 Bilyon.

You May Also Like