Paggawa ng Batas

 

PANGUNAHING gawain ng mga kasapi ng Kongreso ay gumawa ng batas, kaya nga sila tinawag na mambabatas.

Ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa anumang kontrobersyal na isyu, o problema, ay bahagi rin ng kanilang trabaho ngunit ito ay nakaugnay sa paggawa pa rin ng batas.

Huwag kalimutan kailanman ng mga Senador at Representatibo na sila ay binigyang kapangyarihan ng Saligang-Batas na maglunsad ng imbestigasyon upang malaman ang kabuuang litrato ng isang suliranin at mula rito ay matukoy ang eksakstong mga problema ng bansa.

Ang mga problemang ito ang bibigyan ng  solusyon sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas, o mungkahing amiyenda sa umiiral na batas na sa tingin nila ay palso na.

Halimbawa, inimbestigahan ng Senate Committee on Justice iyong tungkol sa extra judicial killings (EJKs), o salvaging, o summary execution na biglang naging laganap simula Hulyo 1 ng taong kasalukuyan.

Ang lahat ng biktima ng EJKs na mahigit 1,000 pa lamang nang simulan ang imbestigasyon ay mayroong kinalaman sa iligal na droga.

Dapat, ang kukuning mga magsasalita hinggil sa nabanggit na problema ay iyong may nalalaman, o may ideya, sa biglang paglaganap ng EJKs ngayong si Rodrigo Duterte ang Pangulo ng Pilipinas.

Hindi iyong umaming mamamatay-tao sa Davao City noong alkalde pa ng lungsod si Duterte.

Si Edgar Matobato ay walang nalalaman kung mga pulis ba, o mga tauhan ng mga sindikato ng iligal na droga, ang may kagagawan ng EJKs.

Kahit nga sina Senior Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar (tumatayong hepe ng Quezon City Police District) at Superintendent Johnson Almasan (tumatayong hepe ng pulisya sa Lungsod Caloocan) ay hindi alam kung sino ang eksaktong naglulunsad ng EJKs sa Lungsod Quezon at Lungsod Caloocan.

Pero, mayroon silang ideya na mga pinuno ng mga sindikato ng iligal na droga ang naghasik ng EJKs sa dalawang lalawigan.

Ang persepsyon ni Matobato ay si Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘utak’ ng EJKs sa iba’t ibang panig ng bansa, sapagkat si Duterte ang ‘utak’ ng EJKs sa Davao City sa panahon ng kanyang termino bilang alkalde ng lungsod.

Ito na rin ang iginigiit na lohika nina Senadora Leila de Lima at Senador Antonio Trillanes IV kung saan ay maling-mali kahit saang anggulo tingnan.

Ang pagdidiin nina De Lima at Trillanes sa kanilang depektibong lohika ay hindi dapat pinapayagan ng pamunuan ng Senado, sapagkat mayroon silang personal na motibo laban kay Duterte.

Ang paglulunsad ng imbestigasyon gamit ang personal na galit sa isang tao ay hindi kailanman wasto at ligal na batayan sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa Kongreso upang makagawa at makapagpasa ng panukalang batas upang iwasto ang umiiral na pagkakamali sa ating lipunan.

Ang batayan ng paggawa at pagpasa ng batas ay walang iba kundi ang mismong mga pagkakamaling umiiral sa lipunan.

Hindi ang personal na galit ng mambabatas sa Pangulo, sapagkat kapag ganito ay paghihiganti ang naging ‘kumadrona’ ng naipasang batas.

Hindi rin wasto na gawing instrumento ang imbestigasyon upang idiin ang isang senador sa pagkakasangkot nito sa sindikato ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP), pangingikil sa mga sindikato ng iligal na droga sa NBP upang magkaroon ng pondong gagamitin sa pagtakbo sa eleksyon, at paglalantad ng mataas na opisyal ng pamahalaan sa kanyang tsuper na maayroong pamilya.

Mayroong ibang benyu para sa mga ito—at tiyak hindi ang sangay ng pamahalaan na kaya itinatag ay upang dito mag-talakayan, magdebate, magbalangkas, at magpasa ng panukalang batas na siyang magiging ligal na patakaran ng pamahalaan at mamamayan sa pagkilos sa bansang kanilang kinabibilangan.

Idinidiin natin na ang pagkakamali sa ating lipunan ang nararapat maging batayan upang magsagawa ng  imbestigasyon at magbalangkas at magpasa ng kaukulang panukalang batas upang maituwid ang nasabing pagkakamali.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like