Pagbawas sa target ng grade 11 enrollees, nakakaalarma

MANILA – Naaalarma ang Education Forum for Development (EfD) network na kinabibilangan ng 100 educators sa bansa matapos ipahayag ang planong pagbabawas sa target ng Grade 11 enrollees sa bansa.

Ang orihinal na tudla (target) ng Department of Education (DepEd) napapasok sa Grade 11 ng Senior High level ng K to 12 program ng pamahalaan ay 2.5 milyon ngunit sa naturang pahayag ay 1.5 milyon na lamang.

Gusto ng EfD na ipaliwanag ni outgoing DepEd Sec. Armin Luistro kung bakit binawasan ang orihinal na tudla.

“Nasaan ang 1 milyon sa inaasahang 2.5 milyong papasok ng Grade 11?,” tanong ng EfD.

Ang Grade 11 ay unang taon ng 2-taon Senior High level na idinagdag sa batayang programa ng sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas.

Kaya, 12 taon na ngayon ang elementarya at sekondaryong programa sa Pilipinas mula sa nakasanayang 10 taon mula noong panahon ni Ferdinand E. Marcos.

Ang K to 12 program ay programa ng administrasyong Aquino.

Ang naturang programa ay ipinilit ng pamahalaan upang makasunod at makapantay ang Pilipinas sa pandaigdigang panuntunan sa kalidad ng edukasyon.

Maraming organisasyon at indibidwal ang tahasang tumutol sa programa dahil sa isyu ng kahirapan.

Katunayan, nakarating hanggang Korte Suprema ang kanilang kagustuhang matigil ang implementasyon ng K to 12, ngunit lahat ay ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman.

Sa desisyon nito, idiniin ng pinakamataas na hukuman ng bansa na walang supisiyenteng batayan ang mga naghain ng reklamo laban sa nabanggit na programa.

Ayon sa ilang educator, mahalagang maging 12 ang kaabuuang bilang ng batayang edukasyon sa bansa na hinihinging rekesito ng mgamalalaking kompanya gaya sa Estados Unidos. at Europa.

Halimbawa, anila, hindi tinatanggap sa Amerika at Europa ang mga Filipino engineer dahil kapos ng dalawang taon ang kanilang batayang edukasyon kahit pa nagsipagtapos ang mga ito sa mga magagaling at prestihiyosong unibersidad sa Pilipinas.

Kaya, idiniin nilang wasto at napapanahon ang K to 12 program.

Ngunit, idiniin naman ng EfD na kailangan talagang masipat ng eksakto ang dahilan ng pagbawas ng tudla ng Grade 11 enrollees.

Posible kasing inilihimit ng DepEd upang palabasing hindi malaki ang bilang ng mga nagsihinto sa pag-aaral.

Idiniin pa ng grupo, kung kahirapan ang dahilan ng pagtigil ng 1 milyong magsisipasok sa nasa senior high school ay walang dapat ikagulat ditto dahil hindi na bago ang rason na ito.

Kahirapan din naman ang palaging dahilan ng maraming pag-aaral kung bakit maraming tumitigil sa pag-aaral sa elementarya, sekondaryo hanggang kolehiyo noong nasa 10-taon na ang ikot ng elementary hanggang sekondarya.

Mabigat ang suliraning ito, ayon pa sa EfD.

Ngunit, nagsisilbing malaking hamon ito sa bagong kalihim ng DepEd na si Leonor Briones.

Si Briones na dating National Treasurer ng bansa ay beteranong propesor sa University of the Philippines-National College of Public administration and Governance (UP-NCAPG).

Matagal na rin siyang aktibista laban sa kahirapan. (Bernard Badilla Toledo)

You May Also Like