Pagbasura ng NEDA at DOLE sa P125 Dagdag-Sahod, Labag sa Konstitusyon—FFW

 

 

Ni: Roy Bersales

 

NAKAAALARMA ang ginawang paglabag ng National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa Saligang-Batas nang ibasura ng mga ito ang mungkahing dagdag P125 sa sahod ng mga manggagawa kada araw sa buong bansa, ayon sa Federation of Free Workers (FFW).

Sabi ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng FFW, napakalinaw ng nakasaad sa Saligang-Batas na “family living wage” ang dapat na maging sahod ng mga manggagawa.

Dapat, hindi ibinasura nina Ernesto Pernia, hepe ng NEDA, at Sylvestre Bello III, kalihim ng DOLE, ang mungkahing P125 na umento sa sahod ng mga manggagawa kada araw sa buong bansa, sapagkat nangangailangan ang mga manggagawa, lalo na sa kasalukuyang  panahon, ng sahod na makabubuhay ng pamilya.

Sa kasalukuyan, Metro Manila ang may pinakamataas na sahod araw-araw sa halagang P491, samantalang ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang pinakamababa na P220 lamang bawat araw.

Ang pahayag ni Matula ay reaksyon sa ‘opisyal’ na posisyon ng NEDA na ipirating sa DOLE.

Sa nasabing dokumento, kinumbinsi ni Pernia si Bello na negatibo ang epekto ng mungkahing P125 na pagtaas ng suweldo sa ekonomiya ng bansa, maraming manggagwa ang mawawalan ng trabaho, at tataas ang presyo ng mga bilihin.

Sabi pa ni Pernia, hindi wasto na buong bansa na pare-parehong P125 ang umento sa sahod ng mga manggagawa, sapagkat magkakaiba ng kondisyon ang bawat lalawigan, lungsod, at bayan, at halaga ng pamumuhay.

Dahil sa mga argumentong ito ay nakumbinsi at napapayag ni Pernia si Bello na huwag ituloy ang pagtaas ng sahod.

Napag-alaman ng TapatNews.com na hindi nakagugulat ang pagkampi ni Bello sa NEDA kaysa mga manggagwa, dahil kamakailan ay inamin ng kalihim sa media na iyon ngang P10 pagtaas sa sahod ng mga manggagawa araw-araw ay mahihirapan na ang mga negosyanteng ibigay.

Ayon kay Matula, ang ibig sabihin ng “family living wage” na binabanggit sa Artikulo XVI, Seksyon 3 ay “enough [wage] for food, housing and shelter, including funds for schooling of children, some time for vacation and some savings for future use.”

Sana mang lang ay pinag-aralang mabuti ni Pernia ang nilalaman ng “Seksyon 3(3) ng  Artikulo XVI na nagsasabing ang estado ay nararapat na ipagtanggol ang ‘karapatan ng bawat pamilya na makatanggap ng sahod na kayang makabuhay ng pamilya,” sa halip na ibasura ng walang katanggap-tanggap na paliwanag at dahilan.

Sabi naman ni Wilson Fortaleza, taga-pagsalita ng Partido Manggagawa (PM), maling ‘barilin’ ang P125 nang hindi man lamang napag-uusapan nang mabuti.

Ani Fortaleza, ang nararapat sanang gawin ay pinag-usapan kung paanong maisasakatuparan ang sinasabi ng Konstitusyon na suweldong makabubuhay ng pamilya.

Gayunpaman, idiniin ni Atty. Matula, isang beteranong lider-manggagawa at abogado ng mga manggagawa, na hindi magiging palaasa ang mga manggagawa sa pamahalaan, dahil ang mahalaga pa rin ay ang kolektibong pakikibaka ng mga manggagawa, sa pamamagitan ng collective bargaining agreement (CBA), upang makamit ang sahod na makakabuhay ng pamilya.

“Workers should continue to organize their ranks into unions for collective bargaining purposes so that they will have the power in advancing their interest in the workplaces. Huwag tayong umasa sa gobyerno. Ang lakas ay nasa manggagawa pa rin,” diin ni Atty. Matula.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like