Pagbaliktad sa SSS Pension Hike Veto, Isinulong Hanggang Huling Araw ng Kamara

MANILA – Isinulong ni Bayan Muna Party-list Representative Neri Colmenares sa huling araw ng sesyon sa mababang kapulungan ang pagbaliktad o pag override sa veto ni Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang Php 2,000 Social Security System (SSS) Pension Hike noong Lunes, Hunyo 6.

Gayunpaman, hindi kinatigan ni Majority Floor Leader Neptali Gonzales ang panawagan ni Colmenares dahil sarado na ang sesyon sa mataas na kapulungan. Kung sakali man kasing lumusot ang panukalang override ni Colmenares, kinakailangan rin na magbotohan ang Senado para i-override ang veto.

“Whether this House on other matters, the Upper House, having adjourned as a matter of law— no other actions can be taken by the lower House and no other procedural remedies can be undertaken to overturn that,” dagdag pa ni Deputy Speaker Giorgidi Aggabao.

Nauna nang nagdeklara ng adjournment sine die ang Senado sa parehong petsa ilang oras bago naihain ang panukala sa Kongreso.

Sinuportahan naman nila Manila Congressman Amado Bagatsing at Buhay Party-list Congressman Lito Atienza, at Muntinlupa Congressman Rodolfo Biazon ang panukala na talakayin pa ang override. Ayon kay Bagatsing, hindi naman umano nakatali ang kamay ng Kongreso at may laya itong kumilos kahit pa sarado na ang Senado.

“We don’t have to be inutile just because the upper chamber is no longer functioning,” pahayag pa ni Bagatsing.

Nanganganib na pondo

Matatandaang nag-veto ang Malacanang sa panukalang batas na itaas ang buwanang pension ng mga miyembro ng SSS ng Php 2,000 dahil umano sa posibilidad na maubos nito ang pondo ng SSS.

Sa mensaheng kaakibat ng veto na ipinadala noong Enero ni Aquino sa mataas at mababang kapulungan, ipinahayag niya na habang maganda ang layunin ng nasabing panukala na mapabuti ang antas ng kabuhayan ng mga retirees, hindi umano ito masusuportahan dahil sa posibleng pagkaubos ng pondo ng ahensya sa 2029.

“The stability of the entire benefit system, whose present membership comprises about 31 million individuals, will be seriously compromised in favor of two million pensioners and their dependents,” pahayag ni Aquino.

 ‘All is not lost’

 Sa kabila ng pagkadaig ng panawagang override sa veto, naniniwala si Colmenares na maipapatupad pa rin ang panukalang batas sa susunod na administrasyon.

“Bayan Muna [party-list] will refile the bill next Congress with the hope that it will pass into law in a short time,” pahayag pa ng kongresista, na principal author rin ng panukalang batas sa Kongreso.

Nauna nang nagpahayag ng suporta si President-elect Rodrigo Duterte sa panukalang itaas ang pension ng mga retirees na miyembro ng SSS. Naniniwala si Duterte na hindi umano sapat ang mahigit kumulang Php2,000 na kasalukuyang buwanang natatanggap mula sa ahensya.

“I will increase it [SSS pension]. Kasi alam mo, dapat binigay yan because when you have able bodies, during your younger days when you can work, we give our money so that we can have something to go by. If you have money, you have P2,000, what can you buy?” ani Duterte.

Nakatakdang magbukas ang sesyon ng bagong 17th Congress sa ika-25 ng Hulyo. (Hector MJC Brizuela)

You May Also Like