PAGBABAGO?

DSC_7587Ni Prof. Michael Franz Trias Ang

Ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili. Matagal na nating naririnig ito. Hindi maaaring magkaroon ng pagbabago kung ang mismong nagsusulong nito ay hindi kayang baguhin ang kanyang nakayayamot na bibig. Sabi nga nila, “practice what you preach.”

********************

Maraming nang pinagdaanang pagsubok at kritisismo ang Simbahang Katolika kung pagbabatayan ang Kasaysayan. Ngunit nagpatuloy pa rin ang buhay nito sa gabay ng Poong Maykapal. Tama ang naging desisyon ng ilang obispo na huwag nang patulan ang mga patutsada ng isang hambog na pinuno. Magdasal na lang tayo mga kapatid.

********************

Araw-araw ay nababalitaan natin ang mga nahuhuling tulak ng droga. Ito ba ay magtutuloy-tuloy na o isa lamang itong malaking palabas at papogi lamang? Nalalambat ba talaga ang mga “malalaking isda”? O ang mga malalaking isdang ito ay protektado ng mga tiwali sa ating pamahalaan? Maraming buhay ang sinisira pa rin ng ipinagbabawal na gamot.

********************

May isang lider na humihingi ng pang-unawa sa paraan ng kanyang pagsasalita at kahit ang kanyang lantaran na pagmumura. Pinipilit ng midya na intindihin siya ngunit alam natin na hindi umiikot ang mundo sa isang tao lamang. Sino ba siya? Walang puwang ang mga bastos sa isang disente at sibilisado na lipunan.

*******************

Kumusta na kaya ang mga talunan noong nakaraang halalan? Puwede naman nilang pagsilbihan ang bayan kahit wala sila sa puwesto. O “ampalaya mode” sila ngayon? Ganyan talaga ang isang demokrasya. At mahirap baguhin ang naitadhana na.

********************

Ano kaya ang magiging papel ni VP-elect Leni Robredo? Maiaangat kaya talaga niya ang mga nasa laylayan? O siya mismo ay mapupunta sa laylayan ng kapangyarihan? Sa ngayon, wala pa siyang kagawaran o ahensya ng gobyerno na pamumunuan. Sayang naman ang higit sa 14 milyon na nagtiwala sa kanyang kakayahan at katapatan sa bayan.

You May Also Like