Pagaantada ng Krus

apologetics

Habang naghahanda si Constantine upang harapin ang hukbo ni Maxentius sa giyera, nagkaroon siya ng pangitain na may Krus sa langit na may nakaukit na mga katagang, “In hoc signo vincis” – Sa simbolong ito, ikaw ay mananaig. Tinanggap niya ito bilang isang tanda mula langit at ipinagutos niya na ang simbolong ito ay ipakalat sa kanyang hukbong sandatahan, at sa sagupaan na tinaguriang ‘Battle of Milvian Bridge’ siya ay nagwagi na may ‘di hamak na mas malaking hukbo.

Ang pagkapanalo ni Constantine ang nagbigay daan upang kanyang ipalabas ang ‘Edict of Milan’ na siyang nagtapos sa ilang dekadang panunupil ng mga taga-Roma sa mga Kristiyano. Kinikilala siya bilang unang Kristiyanong pinuno ng imperyo ng Roma, ngunit nanatili siyang isang pagano at mapagsimpatya sa mga Aryan hanggang sa kanyang kamatayan. Hindi siya nagbago ng pananampalataya hanggang lumipas ang dalawampu’t limang taon kung saan siya’y binautismohan habang nakaratay sa kanyang mga huling sandali. Nagkaganoon man pinabayaan niyang lumawak ang Kristyanismo nang walang balakid at minsan din niyang pinatawag ang isang konsehong tinawag na ‘Council of Nicea’ (325) na siyang naghatol sa maling pananampalataya sa paniniwalang Aryan.

Bago ang kautusan ng Milan (Edict of Milan), ang mga Kristyano ay hinuhuli na parang mga hayop at pinaparusahan sa ‘di makataong paraan. Ang pagpapahayag ng pananampalataya ay parang panliligaw sa kamatayan, sa mabagal at dahan-dahang pagpapahirap, pagsunog, pagputol ng mga bahagi ng katawan o ‘di kaya’y pagtapon sa kulungan ng mga mababangis na hayop. Ang kahindik-hindik na pagpatay ay para lamang sa mga kriminal at kalaban ng imperyong Romano na siya ring parusang ipinapataw sa mga Kristyano: ang pagpako sa Krus.

Sa pagkamatay ni Kristo binago Niya ang Krus mula sa pagiging simbolo ng kamatayan para maging isang simbolo ng pagwagi ng buhay. Kahit pa madalas ang takot at pagkutya mula sa mga pagano, tinanggap ito ng mga Kristyano bilang kanilang simbolo. Iniuukit ang Krus sa mga sinaunang himlayan, mga bato sa altar, at sa libingan kung saan hinuhugis ang mga ito mula sa kahoy o bakal na ginagamit sa liturhiya.

Mula sa mga simpleng krus ay sumibol ang mga magagarang krus na may mga bato. ‘Di nagtagal, sinamahan ng anyo ni Kristong nakapako sa krus na naging Crucifix na nagustuhan ng maraming samahang Kristiyano. Mula sa konseho ng Constantinople ds taong 692 napagdesisyunan na isama ang Crucifix sa liturhiya o banal na Misa upang maging representasyon ng kalbaryo ni Kristo.
Ang pagaantada ng Krus ay kasing tanda na ng Kristiyanismo. Ayon sa sinaunang sulatin ni Tertullian, may 211 tala ng pagaantada na pagsenyas ng hinlalaki sa mga altar at noo ang mga tinaguriang mga bagong miyembro ng komunidad. Unti-unting nagbago ito hanggang sa ating panahon na ang pagaantada ay mula sa noo, dibdib at magkabilang balikat habang binabanggit ang Banal na Sangtatlo.

Ang mga Katoliko ay nagsisimula at nagtatapos ng dasal na may pagaantada na kilala rin bilang isang maikling dasal. Karaniwang nakikita sa publiko, mula sa mga nagmamaneho, bago at matapos kumain, at maging sa mga atlets bago at matapos ang pakikipatunggali. Sinasabi ng mga fundametalista na ito ay nanggaling sa paganismo. Ngunit maging ang mga Anglikano at Lutherano man ay dati nang nagaantada gaya ng mga Katoliko na kapwang tinanggap ang Crucifix. Subalit ang Crucifix naman ay tinututulan ng ilang mga Protestante na sinasabing ang pagaantada ay isang pagsamba sa ‘di tunay na Diyos sa kadahilanang hindi na raw nakapako sa Krus si Kristo. Subalit ang Crucifix ay isang pagpapaalala lamang ng Kanyang sinapit na kalbaryo upang tayo ay masagip.

And Krus, crucifix at pagaantada ay pagbabasbas sa ating sarili kaisa ng Nag-iisang Sangtatlong Diyos bilang patunay ng ating pananampalataya at pagpapatunay ng pagkapanalo ni Kristo kung saan tayo ay sumasakop sa kasalanan at kamatayan. Gaya na lamang ng sinabi ni apostol Pablo sa Galacia 6:14, “Datapuwa’t malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo.”

You May Also Like