Pag-iimprenta ng resibo ng VCM, malaking tulong sa mga botante – guro

MANILA, Mayo 9, 2016–Ngayong ang mga voting-counting machine o VCM ng COMELEC ay nag-iimprenta na ng resibong naglalaman ng mga hinalal na kandidato ng bawat botante, naging malaking tulong ito sa kanila ayon sa isang guro.
“Sa pagpi-print kasi ng mga resibo, [matitingnan] ng mga bumoboto kung tama ba ‘yung VCM sa pagbasa ng kanilang boto, at masisiguro nilang maayos itong gumagana,” wika ni Lorna Tangkengko, third member sa isang polling precint sa Catanghalan Elementary School sa Obando, Bulacan.
Ayon kay Tangkengko, na siyang tumutulong sa mga botante sa paggamit ng VCM, natugunan din ng mga resibong ito ang mga problemang nais isangguni ng mga botante na dati’y nakakaligtaan, tulad ng over-voting.
“Pero dapat pa ring tingnan mabuti ng mga bumoboto [kung sobra na ba ang kanilang binoboto] dahil minsan, hindi nila napapansin iyon at akala ay pagkakamali ng VCM,” panawagan ni Tangkengko.
Ang mga botanteng may reklamo at puna sa inilabas na resibo ng VCM ay inilista ng chairman ng polling precint sa katitikan upang mailapit sa COMELEC, paliwanag ni Tangkengko.
“May kabagalan nga lamang ang pag-iimprenta ng mga resibo,” puna ng guro. Panukala niya, mainam na mai-upgrade ito sa susunod na halalan upang makapagtipid ng malaking oras.
May mga resibo ring hindi na-imprenta nang maayos dahil sa ilang technical problems, kahit sinubukan na itong muli. Ayon kay Tangkengko, ipinaliliwanag nang maayos sa mga botante na ang balota ay nabilang na ng VCM, bagamat walang resibo. Ang mga ito ay isinulat din sa katitikan.
Pagbibigay-diin din ni Tangkengko na hindi maaaring iuwi ang resibo dahil “ito ay confidential at maaaring magamit sa vote buying at iba pang ilegal na gawain”
Ang VCM ng COMELEC ay katulad rin ng ginamit na precint count optical scan (PCOS) machines na ginamit noong mga nakaraang automated elections. Tanging ang pag-iimprenta ng mga resibo lamang ang kaibahan nito ngayong eleksyon.  (Luke Godoy)

You May Also Like