Paeng Nepomuceno muling  kinilala ng Guinness Records

story 2-paengSa edad na 56 ay patuloy na nagbibigay ng karangalan sa bansa  si Rafael “Paeng” Nepomuceno.

Kamakailan ay muling kinilala ng Guinness World RecordS ang champion bowler ng Pilipinas.

Tatlong Guinness World Record ang hawak ni Nepomuceno at isa rito kanya pang pinalawig.

Nasa lumang talaan ng Guinness ang 118 kabuuang titulo na napanalunan ni Nepomuceno sa buong mundo at ito ay itinaas ng Guinness sa 124 matapos na kilalanin ang anim pang kampeonatong kanyang napanalunan.

Kabilang sa mga titulong idinagdag sa record ni Nepomuceno ay ang 2008 South Pacific Classic sa Melbourne, ang 2010 Bowling World Cup National Finals at ang 2011 Philippine International Open.

Hawak din ni Nepomuceno ang  Guinness World Record bilang youngest world bowling champion nang manalo siya sa 1976 Bowling World Cup  sa Teheran, Iran sa edad na 19.

Siya rin  ang katangi-tanging manlalaro na nanalo ng world bowling titles sa tatlong dekada. Bukod sa 1976 ay nakopo rin ni Nepomuceno ang kampeonato sa Bowling World Cup noong 1980, 1992 at 1996.

“It’s truly a big honor for me and the country to be listed for the third time in the Guinness World Records,” sabi ni Nepomuceno, ang pinakabatang Pinoy na nanalo ng international bowling championship sa edad na 17.

Noong 1999 ay nahirang  si  Nepomuceno  bilang Bowling Athlete of the Millennium ng  FIQ, ang world governing body ng bowling. Siya rin ang kauna-unahang  male bowling athlete na maluklok sa  World Bowling Hall of Fame.

Mayroon din siyang life-sized image na naka-display sa entrance ng Hall of Fame and Museum sa Arlington, Texas.

You May Also Like