Pababa ang dami ng kaso ng annulment – obispo

BUMABABA ang dami ng mga kaso ng annulment, sabi ng pinuno ng National Appellate for Matrimonial Tribunal (NAMT) ng Simbahang Katolika nitong linggo.

Tantiya ni retired NAMT Judicial Vicar Archbishop Oscar Cruz na bumaba ng 10-15% ang dami ng kaso ng annulment itong mga nakaraang taon.

“Sa palagay ko ay mas mababa sa 10-15% kung ang mga kaso dito sa atin ang pag-uusapan. May mga kasong direktang dinadala sa Roma at ito’y hindi dumadaan sa amin,” ani Cruz.

Dinadagdag pa ng dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang karamihan ng mga mag-asawang naghahanap ng pagpapawalang-bisa ng kanilang kasal ay taga-Metro Manila.

Sinabi pa niya na bagamat dumadami sa probinsiya ang mga kasal sa Simbahan, iba ang sitwasyon sa malalaking lungsod.
Ayon kay Cruz, maraming mga mag-nobyo ang nagpapasyang manirahang magkasama at hindi magpakasal “dahil mismo sa kalakaran na kung [mag-live-in sila], maaari rin silang maghiwalay kung kailan man nila gustuhin.”

“Mas mahirap ang buhay mag-asawa dito [sa Metro Manila] dahil sa impluwensiya ng mga mayayamang bansa na kung saan pinahihintulutan ang diborsiyo at same-sex ‘marriage’,” sabi ng obispo.

You May Also Like