P695-M, pondo sa eleksyong barangay at SK

TUMATAGINTING na P695 milyon ang ilalaang pondo ng Commission on Election (Comelec) sa eleksyong Barangay at Sangguniang Kabataan na isasagawa sa  Oktubre ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Andres Bautista, pinuno ng Comelec, ang P695 milyon ay ang kabuuang halaga na gagastusin sa pagpapaimprenta ng mga balota, paghahatid ng envelop para sa pagboto ng mga botante, at makinang magbibilang ng mga boto.

Ang lokal na halalan sa higit 42,000 barangay ay magaganap sa Oktubre 31, alinsunod sa itinakda ng batas sa eleksiyon.

Inilinaw ng opisyal na ang lahat ng gagamitin sa halalan ay dadaan sa subasta (bidding).

Ang subasta ay idinikta ng batas sa lahat ng yunit ng pamahalaan kung saan ang layunin ay harangin ang pandaraya ng mga opisyal ng pamahalaan at mga negosyante na pagkakitaan ang anumang kontrata o proyekto na nakaugnay sa aktibidad ng pamahalaan tulad ng halalan.

 

 

Nabatid ng Tapat News online na kabilang sa mga kontrata sa mananalong kompanya sa subasta ay ang pagpapaimprenta ng mga balota, paghahatid ng mga  envelop sa voting precincts, at materyales/makina sa pagbibilang ng mga boto, at ballot boxes na aabot sa P695 milyon lahat.

Sabi ni Bautista, ang mga interesadong supplier ay kinakailangang magbayad ng  P5,000 hanggang P75,000 para makasali sa bidding.

Magsasagawa ang Comelec ng prebid conference sa Hulyo 11 sa ganag na alas 10:00 N.U. sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila.

Samantalang, ang pre-bid conference naman para sa dalawa pang kontrata ay sa Hulyo 13.

Ang pagsusumite ng bid sa kontrata sa ballot boxes ay isasagawa sa Hulyo 25, dakong 9:00 N.U.

Ito ay pangungunahan ng Comelec Bids and Awards Committee.

Sa Hulyo 27, dakong 9:00 N.u. naman ang deadline ng paghahain ng bid para sa kontrata sa envelop at election forms. (Tapat News Team)

You May Also Like