P6-B pondo sa mahihirap, nakatiwangwang

HINDI SILA KASALI: Ang pamilyang ito na nakatira sa Lungsod Quezon ay ubod nang hirap, ngunit hindi sila bahagi ng 4Ps na pamahalaan. Marami pang ganito ang nabubuhay sa lansangan na tunay na mga mahihirap na hindi bahagi ng 4.4 milyong pamilya na kasama umano sa 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). (Mon Estabaya)
HINDI SILA KASALI: Ang pamilyang ito na nakatira sa Lungsod Quezon ay ubod nang hirap, ngunit hindi sila bahagi ng 4Ps na pamahalaan. Marami pang ganito ang nabubuhay sa lansangan na tunay na mga mahihirap na hindi bahagi ng 4.4 milyong pamilya na kasama umano sa 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). (Mon Estabaya)

Ng: Tapat News Team (TNT)

UMAABOT pa sa P6.3 Bilyon ang pondo para sa Conditional Cash Transfer (CCT) program ang hindi  nagamit, o hinayaang nakatiwangwang lamang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong nakalipas na administrasyon.

Nadiskubre ng bagong kalihim ng DSWD na si Secretary Judy Taguiwalo ang P6.3 bilyon nang makarating sa kanyang tanggapan ang resulta ng auditing na isinagawa ng Commission on Audit (COA) sa pondo ng DSWD.

Ang problema sa P6.3 bilyon ay wala ito sa kontrol ng DSWD.

Ito ay nakalagak sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Commission on Higher Education (CHED), ngunit tukoy ang nasabing pondo na nakalaan sa CCT program.

Ayon sa rekord ng DSWD, ang P6.3 bilyon ay bahagi ng kabuang P62.3 bilyong pondo na inilaan sa CCT program, o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Nanghihinayang si Taguiwalo, sapagkat ang P6.3 bilyon ay katumbas sa 10% ng kabuuang badyet ng DSWD.

Ayon pa rin sa rekord ng DSWD, mayroong 4.4 milyon mahihirap na pamilya ang nakikinabang sa 4Ps ng pamahalaan.

Ngunit, isa ang 4Ps sa sinisiyasat at pinag-aaralan ng grupo ni Taguiwalo na mga proyekto at programa ng DSWD sa nakalipas na anim na taong pamumuno ni dating Sec. Corazon “Dinky” Soliman.

 

 

Ayon noon sa National Economic Development Authority (NEDA), hindi magandang programa ang CCT o 4Ps, sapagkat hindi nito tunay na inaangat at pinauunlad ang buhay ng mga mahihirap.

Sa kabila nito, itinuloy ng administrasyong Aquino ang nasabing programa, sapagkat marami umanong nakikinabang sa nabanggit na programa.

Pinalaki at pinaabot ang pondo sa higit P62 bilyon.

Marami ang bumatikos sa 4Ps, dahil maraming nakasulat na pangalan sa DSWD bilang benepisyaryo ng programa ang nanatiling pangalan lamang.

Ang isa pa, napakabagal daw ng pamimigay ng pera sa mga benepisyaryo taun-taon.

You May Also Like