P4.5-M bentahan ng shabu bago pasukin ang mga bilangguan sa Cebu

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
ILANG minuto lang ang kulang, nadakip sana ng 300 pulis ang nagbenta at bumili ng shabu sa loob ng Cebu City Jail, ngayong Sabado.
 
Sabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Region 7 Director Yogi Filemon Ruiz sa media, nang pasukin ng 300 puwersa ng Special Weapons and Tactics (SWAT), PDEA, at Bureau of Jail Management (BJMP) ang Cebu City Jail bandang 1:25 ng madaling araw ngayong Sabado, P4.5 Milyong pera ang nakuha ng mga otoridad sa operasyon, 1 kilong shabu, at iba pang kontrabando tulad ng cellular phones, flat screen TV, at shabu paraphernalia.
 
Ang cellular phone ang pinaniniwalaang ginagamit ng mga drug lord sa Cebu City Jail upang makakontak sa kanilang kliyente ng shabu mula sa labas.
 
Ang P4.5 Milyon ang kinita sa pagbenta ng shabu ilang minuto bago maganap ang operasyon sa Cebu City Jail, banggit ni Ruiz sa media.
 
Ang Cebu City Jail ay matatagpuan sa Brgy. Kalunasan.
 
Kasabay ding sinalakay ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP), PDEA, at BJMP ang Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) na malapit lamang sa city jail.
 
May mga nakuhang kontrabando rin sa CPDRC.
 
Ani Chief Supt. Noli Taliño, direktor ng Police Regional Office ng Region 7 (PRO-7), ikinasa nila ang “Operation Greyhound” sa dalawang bilangguan nang makakuha sila ng tip mula asset ng pulis noong Biyernes ng gabi na mayroong magaganap na bentahan ng shabu sa Cebu City Jail nitong Sabado ng madaling araw.
 
Dahil kapos ang oras, humingi sila ng permiso kina Cebu Governor Hilario Davide Jr. at sa hepe ng BJMP sa rehiyon, saad ni Taliño, kung saan pumayag namaan umano ang dalawa.
 
Idiniin ni Taliño na marami silang nababalitaan na mistulang “drug den” ang ilang bilangguan sa Cebu, lalo na ang Cebu City Jail.
 
Aniya, may mga bumibisita sa kulungan, ngunit bumibili pala ng shabu at kung minsan sa loob na rin tumitira ng shabu.
 
Inamin din ng opisyal na ipinataas nila ang mga damit ng mga preso at ipinababa ang kanilang mga pantalon habang nakataas ang kanilang mga kamay upang masiguro nilang walang bubunot ng baril, o maghahagis ng granada habang nagaganap ang Operation Greyhound upang maiwasan ang posibleng pagdanak ng dugo.
 
Sabi ni Taliño, iimbestigahan ng PRO – 7 ang operasyon ng sindikato ng shabu sa dalawang kulungan upang matukoy nang eksakto kung paanong nakapapasok ang shabu sa loob.
 
Ang Central Visayas ay mainit ngayon sa PNP makaraang mapatay ng mga alagad ng batas ang numero unong drug lord ng rehiyon na si Jeffrey “Jaguar” Diaz sa Las Pinas noong Hunyo.
 
Kamakailan, sumuko naman ang pumalit sa trono ni Diaz na si Franz Sabalones.
 
Sina Diaz at Sabalones ay kapwa taga-Cebu.
 
Ang kapatid ni Sabalones na si Frals Sabalones ay bise-alkalde ng bayan ng San Rafael.
 
Mariing itinanggi ni Frals na sangkot siya sa iligal na droga.
 
Sa halip itinuro niya ang kanyang kapatid na isang drug lord.
 
Ang isa pang pulitiko na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na protektor ng sindikato ng droga ay si Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot.
 
Si Loot ay retiradong heneral ng PNP.
 
Ang pagiging protektor ng sindikato ng droga ni Loot ay noong heneral pa umano siya, ayon kay Duterte.
 
Tahasang itinanggi ni Loot ang paratang ng Pangulo.
 
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), maraming ibinunyag si Franz Sabalones na mga pulitiko at opisyal ng PNP sa Central Visayas na protektor ng sindikato ng droga sa rehiyon.
Masusing iniimbestigahan ito ng CIDG upang matiyak ang katotohanan ng ibinunyag ni Franz.

You May Also Like