P300,000 halaga ng shabu, nasabat ng PDEA at PA

PINATUNAYAN ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Army (PA) na hindi kailangang makipagbarilan sa mga drug pusher upang maging matagumpay ang operasyon laban sa mga kriminal.

Inanunsiyo ngayong araw ng PDEA na ang pinagsanib na operasyon ng PDEA at ng PA kamakailan sa Olongapo City ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng methamphetamine hydrochloride o kilala sa tawag na ‘shabu’ na P300,000 ang halaga.

Nadakip din sa nasabing “buy-bust operation” ang mga target na sina Jomel Mangohig (36 taong-gulang), Lucky Mangohig (34 taong-gulang), Ariane Aguilar (27), at Ronnel Salvador na siyang pinakabata sa edad na 23, ayon kay Usec. Arturo Cacdac, PDEA director general.

Ang mga nadakip ay pawang residente ng Olongapo City.

Matapos makakuha ng sapat na katibayan laban sa pangkat ni Jomel, nagpasya ang PDEA na magsagawa ng buy-bust operation upang matigil na ang masamang gawain nina Jomel.

Kasama ang ilang tauhan ng PA, ikinasa ng PDEA-Region 3 Office ang operasyon laban sa apat sa Mango Drive, Binictican sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nitong Hunyo 19.

Sabi ng PDEA, 100 gramo ang nakumpiskang shabu na P300,000 ang halaga.

Ngunit, isinekreto ng PDEA sa media kung sino ang eksaktong tao ang tumanggap ng pera mula sa ahente ng PDEA-RO 3 na tumayong ‘bibili’ ng shabu.

Hindi rin tinukoy kung sino ang nag-abot ng 100 gramong shabu na nakalagay daw sa isang plastic bag sa ahente ng PDEA.

Mahalaga ang mga nabanggit dahil binubusisi ang mga ito habang nililitis sa korte ang mga akusado.

Kapag may mga ‘butas’ o ‘kuwestiyonable’ ang operasyon, kadalasan pinapawalang sala ng husgado ang mga akusado.

Ayon sa PDEA, bukod sa pera at shabu, nakuha rin sa apat ang

isang Ford Escape at ilang passbooks at deposit slips.

Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), na may kaugnayan sa Section 26 (Conspiracy to Sell) ng Artikulo II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Paula Antolin)

You May Also Like