P3,000 Medical Allowance para sa mga Guro, Inihain sa Kamara

 

 

 Ni: Marites Badilla
 
HANGAD ng partido-pulitikal ng mga guro na magkaroon ng P3,000 medical allowance ang mga guro sa pampublikong paaralan.
 
Ang panukalang batas na ito ni Rep. Julieta R. Cortuna (Party-list, A TEACHER) na nakasaad sa House Bill No. 89 ay inihain sa Kamara del Representantes upang magkaroon ng hiwalay na perang pantustos ang mga guro sa kanilang pagpapagamot.
 
Sa kasalukuyan, ang mga guro sa pampublikong paaralan ay nakatatanggap ng clothing allowance kada ikalawang taon at chalk allowance taun-taon.
 
Kasama rin sa panukalang batas ni Cortuna ang mga guro na naninilbihan sa Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).
 
Nakasaad sa HB 89 na ang P3,000 ay kailangang tumataas tuwing ikalimang taon.
 
Ang DepEd ang magtatakda ng halagang itataas, ngunit makikipag-ugnayan ito sa Department of Budget and Management (DBM).
 
Ayon kay Cortuna, ang mga guro ay madalas nakikipagsapalaran magampanan lamang nang tapat at maayos ang kanilang napiling propesyon anumang panahon, ngunit wala silang hiwalay na pera na pampagamot kung sila ay nagkakasakit, o naoospital.
 
Kukuhain sa kanilang kakarampot na sahod ang pambili ng gamot, o pambayad sa ospital, bagay na dapat matigil, saad ng mambabatas.
 
Kaya, umaasa si Cortuna na maipapasa ng Kamara ang kanyang panukalang batas.
 
Inaasahan din niyang mayroong senador na maghahain ng parehong panukalang batas upang magkaroon ng batas na nag-aatas sa pamahalaan na bigyan ng P3,000 medical allowance ang mga guro sa pampublikong paaralan ng bansa.

You May Also Like