P200B nawawala sa pamahalaan dahil sa smuggling at korapsyon

 

 

Ni: Joel O. Amongo
 
NAKALULULA ang pagnanakaw na ginagawa ng mga smuggler at korap na mga opisyal ng pamahalaan.
 
Umaabot sa P200 Bilyon bawat taon ang nawawala dahil sa smuggling at korapsyon na kinasasangkutan ng mga negosyanteng smuggler kasabwat ang ilang mga opisyal at kawani sa Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC).
 
Ayon kay Rodolfo “RJ” Javellana, presidente ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), kung kada araw ang pagbibilang ay aabot ng P300 Milyon hanggang P500 Milyong ang hindi naibabayad ng mga smuggler sa buwis sa pamahalaan at iyong napupunta sa mga korap na opisyal at kawani ng DOF at BOC.
       
“Sabihin na nating 30% na lang sa P200 Bilyong taun-taon ang nawawala sa buwis, aabot pa rin ito ng P90 Milyon kada-araw ang nawawalang pera sa gobyerno,” ani Javellana.
 
Aniya, ang perang ito ay malaking bagay para tustusan ang mga proyekto ng pamahalaan tulad ng  pagpapagawa ng mga kalsada, pantalan, paaralan, at mga pagamutan.
 
“Pero, kung hihigpitan ang gripo ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon tulad ng paghihigpit sa kanyang mga kawani ay tiyak na lalaki ang pondo ng gobyerno dahil mababawasan ang smuggling at korapsyon,” diin ng pinuno ng UFCC.
 
Ayon sa ulat ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), umaabot ng P198.05 bilyong buwis ang nawawala bunga ng tinatawag nitong “agricultural smuggling” sa mula 2010 hanggang 2014.
 
Ito ay pumapalo sa P39.6 Bilyong kada taon, tugon ng SINAG.
          
Kinakain nito ang 19.8% sa buwis ng pamahalaan kada taon sa nakalipas na administrasyong Aquino.
 
Ang DOF at BOC ay mayroong 365 kaso na nakasampa na nagkakahaga ng P103 Bilyong at lima pa lang dito ang nadesisyunan ng korte.
 
Sa lima, 3 ay tungkol sa buwis, samantalang 2 sa smuggling.
               
Sabi ni Javellana, kung mawawala ang P200 Bilyong halaga ng smuggling at korapsyon ay siguradong hindi kakapusin ang taunang badyet ng pamahalaan.
 
Inihalimbawa ni Javellana ang P121.7 Bilyong kakapusan ng badget noong 2015 na hindi sana nangyari kung nakukolekta ng BOC at DOF ang P200 Bilyon bawat taon.
 
“The war on crime and corruption can only be won by winning the war on smuggling,” tugon ni Javellana.
 
Pabor din si Javellana na itulad sa droga ang kampanya laban sa smuggling kung saan marami sa mga sangkot nito ay dapat mamatay tulad ng mga drug dealer.
 
Ayon pa sa kanya, pabor din ang UFCC sa kampanya ni Faeldon sa BOC na kung kinakailangang patayin ang mga tiwali at korap sa nasabing ahensiya ay gagawin niya masawata lamang napakatalamak na smuggling at korapsyon sa BOC.
 
“Ang smuggling ay parang shabu na salot sa lipunan na dapat mawala,” saad ni Javellana.

You May Also Like