P2.3-B Lugi Araw-araw ng Ekonomiya

UMAABOT sa P2.3 Bilyon ang tinatayang halaga ang ikinalulugi araw-araw ng ekonomiya ng bansa dahil sa pagkaantala ng 17 proyektong imprastraktura ng pamahalaan, ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno.

Idiniin ni Diokno na, sa halip na mas malaki pa ang pumapasok na pera sa ekonomiya sa usapin ng buwis at trabaho sa libu-libong mga Pilipino ay nawawalan pa ng P2.3 bilyon araw-araw ang ekonomiya ng bansa.

Ang 17 proyekto ay nakaangkla sa public-private partnership (PPP) na ikinasa ng administrasyong Aquino.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, luging-lugi ang pamahalaan sa PPP, sapagkat ang bawat proyektong naipapanalo ng pribadong kompanya mula sa subasta (bidding) ay tiniyak ng pamahalaan na lahat ng gagastusin ng nasabing kumpanya, kasama na operational expenses sa susunod na panahon ay siguradong babayaran ng pamahalaan.

Ang Ibon ay isang independiyenteng organisasyon na nakatuon sap ag-aaral at pananaliksik ng iba’t ibang paksa na may kinalaman sa takbo ng lipunang Pilipino, kabilang na ang mga proyekto ng pahalaan.

Ang perang ibabayad ng pamahalaan ay kukunin sa pondo ng pamahalaan na galing sa buwis na ibinayad ng mamamayan at mga negosyante at kinita ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno mula sa mga transaksiyon nito sa publiko.

 

 

Ang PPP ay konseptong nakatungtong sa patakarang magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor upang maisakatuparan ang mga dambuhalang proyekto ng gobyerno na hindi kayang gastusan o pondohan ng pamahalaan.

Naniniwala si Diokno na ang 17 proyekto ay magtutulak pasulong nang mas agresibo sa ekonomiya ng bansa.

Kaya, umaasa si Diokno na matatapos ang kabalan sa pagsusubasta hanggang bago matapos sa 2017 ang lahat ng pagsusubasta sa 17 proyektong pang-imprastrakturang naiwanan ng administrasyong Aquino.

Ang mga proyektong nabinbin ay mga modernong paliparan sa iba’t ibang bahagi ng bansa at malapad na kalsadang magdudugtong sa north expressway at south expressway, at iba.

Ang naturang mga proyekto ay may kinalamang lahat sa transportasyon na naglalayung pabilisin ang komersiyo, kalakalan, at paghahatid ng iba’t ibang mga produkto mula sa ibang bansa patungo sa Pilipinas at mula sa bansa patungo sa iba’t ibang panig ng mundo, patungo sa Hilaga mulang Timog, at mulang Timog patungo namang Hilaga, at iba pa.

Ang ipinupunto ni Diokno ay “estratehiko” ang mga imprastakturang proyekto, kabilang na ang transportasyon, sa agresibong pagsulong ng ekonomiya ng isang bansa.

Umaasa ang kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) na matatapos ang lahat ng pagsusubasta alinsunod sa tudla (target) ng kasalukuyang pamahalaan.

Si Diokno ay kalihim din ng DBM noong si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pangulo ng bansa mula Hunyo  1998 hanggang Enero 2001. (Tapat News Team)

You May Also Like