P125 Dagdag-Sahod, Tuloy na Kaya?

Ni: Roy Bersales

 

INAASAHAN na ihahain muli ng mga maka-kaliwang kongresista ang mungkahing P125 across-the-board increase sa sahod ng mga manggagawa, ngunit bago mangyari ito, nagsimula na ang Department of Labor and Employment (DOLE) na isalang na ang nasabing mungkahi sa Regional Wage and Productivity Boards (RWPBs).

Inamin ni Sec. Sylvestre Bello III na inatasan na niya ang lahat ng RWPBs na simulan nang pag-aralan at talakayin ang P125 across-the-board kada araw.

Ang mungkahi ay nagsimula pa noong ika-13 Kongreso.

Ngayon, ika-17 Kongreso na isasalang ang mungkahing dagdag-sahod.

Sabi ni Bello, pag-aaralang mabuti ang mungkahi kung ito ba ay uubrang across-the-board, o hindi.

Ayon kay Usec. Joel Maglungsod, kaya ng mga negosyante ang P125, sapagkat ito ay katumbas lamang ng 17 porsiyentong kita ng mga negosyante.

Idiniin naman ni Donald Dee, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), na hindi kaya ang naturang umento.

Ani Dee, ang P125 across-the-board ang minsan nang naging dahilan kung bakit maraming mamumuhunan ang umatras sa pagnenegosyo sa bansa.

Aniya, ang dapat na atupagin ng administrasyong Duterte ang pakakaroon ng maraming trabaho at hindi ang pagtataas ng suweldo sa P125 kada araw.

Nitong Mayo, nagbigay ng P10 dagdag-suweldo bawat araw ang RWPB ng Metro Manila.

Hindi nalalayo ang itinaas sa ibang rehiyon.

Ani Maglungsod, ang karagdagang P125 sa sweldo ng mga manggagawa bawat araw ay nakaangkla sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umangat ang buhay ng mga manggagawa sa bansa, lalo na iyong mga nasa lalawigan.

Mahigit 67 milyon ang kasalukuyang manggagawa sa bansa ngayong 2016.

Ayon sa Ibon Foundation, isang independent research group, 41.6% sa kabuuang bilang ng mga manggagawa simula 2013 ay hindi tumatanggap ng tamang minimum na sahod.

Ibig sabihin, maliit na ngang minimum, dinadaya pa ng mga kapitalista, ang siyang punto ng Ibon.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like