P103 Bilyon

 

BANTOG ngayon ang Department of Justice (DOJ) dahil nag-iimbestiga ito laban sa pagkakasangkot umano ng dating kalihim ng nasabing kagawaran na si Leila Magistrado de Lima sa sindikato ng iligal na droga at pagkakaroon ng relasyon sa dating driver-bodyguard.

Ang isyu sa una ay pinagkakitaan umano ang sindikato ng droga sa halip na tambakan ng kasong kriminal at isuplong at kasuhan ang mga wala sa loob ng bilangguan.

Ang ikalawa ay isyu hinggil sa imoralidad, sapagkat si De Lima ay opisyal ng pamahalaan at abogada.

Kasama rin ang tungkol sa “public fund” kung ang ginastos sa sinasabing perang ginamit sa pagpapatayo ng malaking bahay ng driver-bodyguard ay galing sa pondo ng Commission on Human Rights at DOJ, mga tanggapang pinamunuan ni De Lima noong siya ay hindi pa senador.

Dahil dito, magsasagawa ng “secret investigation” ang Senate Ethics Committee na pinamumunuan ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.

Inaasahan ng publiko na magiging aktibo si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre III upang mapatunayang nagkamali at lumabag sa batas si De Lima.

Wala kaming reklamo kung ididiin ninyo si Leila de Lima, ngunit tingin namin ay nararapat ding pagtuunan ng kaukulang pansin ni Aguirre—at maging ng mga journalist—ang ibang kaso sa DOJ na sigurado kaming nangangailangan din ng malaki at tuluy-tuloy na atensiyon ni Aguirre at ng media.

Isa sa mga isyu ay ang 635 kaso ng tax evasion at smuggling na P103 Bilyon ang sangkot na halaga.

Malaking halaga ang P103 Bilyon na pera ng bayan na nangangailangan ng mabilis, ngunit may kalidad na desisyon at aksiyon ang DOJ upang mabawi ang pera at maparusahan ang mga may sala.

Kung mababawi ay malaking dagdag ang halagang ito sa ng pondo ng pamahalaan.

Ang P103 Bilyon ay iba pa sa P200 Bilyong pera na hindi napupunta kada taon sa kabang yaman ng pamahalaan dahil sa tuluy-tuloy na pamamayagpag ng mga smuggler at korap na opisyal sa Bureau of Customs (BOC).

Sana ay bigyan ng kaukulang atensiyon ng DOJ ang 635 na kasong tax evasion at smuggling, sapagkat karapatan din ng pamahalaan na makamit ang katarungan mula sa mga tax evader at smuggler.

Ang binabanggit ng Tapatnews.com ay bahagi rin ng gyera na hindi pa idinedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa katiwalian at korapsiyon sa pamahalaan.

Binanggit na ni Duterte ang tungkol sa korapsiyon, ngunit hindi pa siya agresibo sa problemang ito.

Hindi tulad sa isyu ng iligal na droga at kay De Lima, agresibong-agresibo ang Pangulo.

Kung walang mangyayari sa P103 Bilyon ay tiyak na anim na taon na namang mamayagpag ang mga masasamang loob ng bansang ito.

Kaligayahang tinamasa nila noong nakalipas na anim na taon sa panahon ni De Lima sa DOJ, tapos anim na taon pa uli sa panahon ni Aguirre.

Kaya, upang huwag magpasasa sa ligaya at kalayaan ang mga tax evader at smuggler, kailangan kumilos din si Aguirre laban sa 635 kaso.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like