OPOSISYON SA LIBING NI MARCOS, HINDI LAGANAP

 

 

Ni: Roy Bersales

 

WALA pa sa 100 katao ang nagpunta malapit sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) upang ihayag ang kanilang pagtutol sa paglilibing sa mga labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa nabanggit na libingan kahapon sa Lungsod ng Taguig.

Ayon sa mga nagprotesta, hindi karapat-dapat na ihimlay si Marcos sa LNMB dahil hindi siya “bayani” at marami umanong krimeng nagawa ang dating Pangulo tulad ng paglabag sa karapatang-pantao, pamamaslang, at pandarambong.

Sa opisyal na impormasyong nakarating sa Korte Suprema, walang desisyon ang anumang korte sa Pilipinas na nagsasabing nakagawa ng krimen si Marcos.

Isa ito sa mga ipinunto ng desisyon ng Korte Suprema na nagbigay ng ligal na pahintulot sa pamilya Marcos na ilibing na sa LNMB si Marcos laban sa petisyon ng pitong katao, kabilang si Albay Rep. Edcel Lagman.

Idiniin din sa nasabing desisyon na pinonente ni Associate Justice Diosdado Peralta na karapatan ng namayapang Marcos na maihimplay sa LNMB dahil siya ay naging pangulo ng Pilipinas at naging sundalo.   marcos-burial-2

Kinatigan ito ng 8 mahistrado, kaya 9 ang pabor sa paglilibing kay Marcos sa LNMB kumpara sa 5 tutol.

Naghain ng motion for reconsideration (MR) ang mga petitioner sa mataas na hukuman sa pag-asang magbabago pa ang pasya ng ilan sa 9 na mga mahistrado upang maging mayorya ang tutol sa paglilibing kay Marcos sa LNMB.

Ang sistema sa ligal na proseso, naibabasura ng Korte Suprema ang MR kung wala itong bagong malakas na argumentong magpapatumba sa pananaw at pangangatwiran ng mga mahistrado.

Nagpasalamat sina Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga taga-suporta ng pamilya Marcos dahil sa walang sawa nilang pag-alalay sa kanilang mithiing maihimlay sa huling hantungan ang dating Pangulo.

Ani Gov. Marcos, natupad din ang huling habilin ng kanilang ama na mailibing sa LNMB kasama ang iba pang sundalong kaparis niya.

“Colonel” ang huling ranggong nakamit ni Marcos bago siya umalis sa Armed Forces of the Philippines (AFP) noong 1950s.

Si Marcos ay inilibing dakong 12:00 ng tanghali, oras ng paglilibing ng mga namayapang sundalo.

Binigyan siya ng 21-gun salute bilang dating sundalo.

Nang maibalitang nailibing na si Marcos, nagtipon ang mga aktibista mula sa kaliwang puwersa, ilang biktima ng batas-militar, at mga aktibistang kabataan sa monumento ng Edsa people power revolution kung saan inihayag ang kanilang pagkadismaya sa binansagan nilang ‘sikretong’ paglibing kay Marcos.

Naiinis ang mga tutol sa paglilibing kay Marcos sa LNMB na nabastos sila sa pangyayari, sapagkat hindi nilaman ang iskedyul ng libing.

Nabatid sa kampo ng mga Marcos, hindi naman kailangang ipaalam sa kanila, o abisuhan, sila sa iskedyul ng libing, sapagkat ang nasabing libing ay aktibidad lamang ng pamilya Marcos.

Kapansin-pansin na ang mga naghayag ng galit sa pagkakalibing sa mga labi ni Marcos sa LNMB sa Edsa kahapon ay hindi pa umabot ng 2,000, napakalayo sa libu-libong mamamayan at mga aktibistang dumagsa sa Edsa noong Pedrero 22 hanggang 25, 1986.

Kahapon, may ilang nagprotesta rin sa ibat-ibang panig sa bansa tulad sa Makati, Caloocan, at Cebu, ngunit kakaunti lang ang bilang ng nagsidalo at hindi laganap ang pagtutol sa pagkakalibing kay Marcos.

Naniniwala ang mga aktibistang kaliwa, may kinalaman ang Malakanyang sa pangyayari.

Tahasan naman itong itinanggi ni Presidential spokesperson Ernesto Abella, dahil aniya  sariling desisyon ng pamilya Marcos ang iskedyul ng libing.

Idiniin ni Abella na walang karaparatan ang administrasyong Duterte na idikta sa pamilya Marcos kung kailan dapat nilang ilibing ang kanilang mahal sa buhay.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like