“Oplan Baklas Kubol” sa mga kulungan sa NCR sinimulan na

Ni: Jan Sinocruz

 

 

INANUNSIYO ng National Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region (BJMP-NCR) na sinimulan na ang pagwasak sa mga kubol sa loob ng mga ciy jail sa Metro Manila.

Ang proyekto ay tinawag na “oplan baklas kubol”na ang layunin ay bahagi pa rin ng kampanya laban sa mga kontrabando at iligal na droga na pinaniniwalaang naglipana sa mga city jail sa Metro Manila, ayon kay BJMP-NCR director Chief Supt. Michael Vidamo.

Ani Vidamo, dakong 5:00 ng madaling araw nang lusubin nila ang Manila City Jail at isagawa ang greyhound operation at ang pagsira sa mga kubol ng mga bilanggo.

Ang pasya ni Vidamo ay batay sa mga nakalipas na ulat na madalas na nagsasagawa ang pamunuan ng BJMP-NCR ng greyhound operation sa iba’t ibang kulungan para kumpisakahin ang mga kagamitan na nakakapasok sa mga kulungan at mga bawal na gamot.

Ani Vidamo, unang pinasok ng BJMP-NCR ang brigada ng Commando na mayroong 585 na mga miyembro kung saan  isinagawa ang paghahaluhog at pagwasak sa mga kubol ng mga ito.

Ayon kay Vidamo, sa mga kubol kadalasan itinatago ang mga kontrabando at possible ring dito gumagamit ng droga ang mga bilanggo sa loob ng kulungan.

Bandang 9:00 naman ng umaga nang pasukin ang dalawang brigada ng Batang City Jail na mahigit sa 600 miyembro.

Sa naturang operasyong greyhound ay nakumpiska ang iba’t ibang mga kontraband tulad ng patalim, lighter, sigarilyo, alak, at ilang electronic gadget tulad ng cellphone.

Makaraan ang paghahaluhog, ang dalawang mayores ng dalawang pangkat ay kinausap ni MCJ warden, Supt Fermin Enriquez, kung saan isa sa mga mayores ay pinalitan niya ng ibang mayores.

Inatasan naman ni Enriquez ang ibang mga brigada na sila na ang kusang magbuwag sa kanilang kubol at sumunod na lamang sa bagong direktiba ng pamunuan ng BJMP.

Samantala, magpapatuloy ang pag-iikot ni Vidamo sa mga city jail sa Metro Manila upang isagawa ang greyhound at ang oplan baklas kubol.

Matagal na ring panahon na hindi nagsasagawa ng pagbabaklas ng kubol ang BJMP sa mga city jail.

Ang pagwwasak ng mga kubol ay nakabatay sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa  Duterte laban sa iligal na droga.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like