Ona, 2 iba pang DOH officials, tuhog na tuhog sa P392-M korapsyon

NAPAKATIBAY ng ebidensiya ng Office of the Ombudsman laban sa tatlong dating opisyal ng Department of Health (DOH) hinggil sa naganap na katiwalian at korapsyon sa P392.2 Milyong programang modernisasyon ng DOH noong 2012.
 
Ayon sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, nagsabwatan sina dating Health Secretary Enrique Ona, dating Health Undersecretary Teodoro Herbosa, at dating Assistant Secretary Nicolas Lutero III upang pigilan ang pagsisimula ng P392.2 milyong modernisasyon ng Region 1 Medical Center kahit pa mayroon nang nanalong bidder.
 
Idiniin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, matibay ang ebidensiya laban sa tatlo, kaya nararapat na iakyat sa Sandiganbayan ang kaso laban kina Ona, Herbosa, at Lutero.

 

 

 
Sina Ona, Herbosa, at Lutero ay mga opisyal ng DOH nitong nakalipas na administrasyon.
 
Idiniin ni Morales na nilabag ng tatlo ang Seksiyon 3 (e) ng  Republic Act 3019,  o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
 
Nakasaad sa Seksiyon 3 (e) na pinagbabawalan ang opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng  anumang “unwarranted benefit, advantage or preference to any party or causing any party, including the government, undue injury.”
 
Dahil dito, obligadong harapin ng tatlo ang kasong kriminal na ihahain laban sa kanila sa Sandiganbayan.
 
Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din sila sa kasong administratibo na nagbabawal sa kanilang magtrabaho sa pamahalaan.
 
Pero, dahil wala na sila sa gobyerno, ang parusa na lamang nila ay magbayad sa gobyerno na ang halaga ay katumbas ng isang taong sahod nila noong nakapuwesto pa sila sa DOH.
At kahit na wala na sina Ona, Herbosa, at Lutero sa pamahalaan, nagpasya na rin ang Office of the Ombudsman na pagbawalan silang humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan nang habangbuhay.
 
Hindi rin nla makukuha ang anumang pangpinansiyang benepisyo mula sa gobyerno.
 
Ang desisyon ng Office of the Ombudsman ay kongkretong patunay ng ‘mahabang kamay’ ng batas ay hindi nakalupaypay, kaya tiyak na mahahabol nito ang mga dating opisyal na nahaharap sa reklamong katiwalian at korapsyon upang dalhin sa Sandiganbayan ang kasong kriminal kung mayroon namang matibay na ebidensiya. (Tapat News Team)

You May Also Like