Numerong Unong Drug Lord sa Quezon Sumuko Kasama ang mga Kamag-Anak na Alkalde at Kongresista

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
ANG binansagan ng Philippine National Police (PNP) na “influential drug personalities” sa lalawigan ng Quezon ay sumuko sa pulisya nitong Linggo kasama ang kapatid na kongresista at pamangkin na alkalde.
 
Si Cerilo Athel Alcala at anak niyang si Sajid ay sumuko sa himpilan ng PNP nitong Linggo ng lampas alas 2:00 N.H. kung saan tahasang pinabulaanan ang paratang na sangkot sila sa sindikato ng droga na kumikilos sa Quezon.
 
Anila, wala silang kinalaman sa droga.
 
Sinamahan ang dalawa nina Quezon 2nd District Rep. Vicente Alcala (kapatid ni Athel) at Lucena City Mayor Roderick Alcala (pamangkin ni Athel).
 
Idiniin ni Senior Supt. Antonio Yarra, hepe ng PNP – Quezon, na sina Athel at Sajid ang pawang mga “influential drug personalities” sa Quezon.
  
Tinukoy din Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang 59-taon-gulang na si Cerilo Athel Alcala at ang 36-taong-gulang nitong anak na si Sajid ay pangunahing mga drug lord sa Quezon.
 
Nitong nakalipas na linggo, napabalitang nanawagan si Mayor Alcala na sumuko na sa PNP ang kanyang tiyo Athel.
 
Ang panawagan ng alkalde ay tila nakaugnay sa pangambang baka may mangyaring hindi maganda sa tiyo niya dahil alam na alam ng pamilya Alcala na walang pinipili ang administrasyong Duterte sa kampanya nito na durigin ang lahat ng sangkot sa droga.
 
Ang paghatid nina Rep. Alcala at Mayor Alcala kina Athel at Sajid sa himpilan ng PNP ay tinitingnan ng publiko na gusto nilang iparating na huwag gagalawin, o huwag papatayin sina Athel at Sajid, sapagkat sila ay isinuko na sa PNP ng kanilang mga kamag-anak na makapangyarihan at maimpluwensiyang pamilya Alcala ng Quezon.
 
Batay sa rekord ng korte, sina Athel at Sajid ay pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa ang mga ito noong 2008 sa kasong pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.
 
Ang dalawa ay nahulihan ng mga otoridad ng ilang plastic sachet na naglalaman umano ng shabu noong 2008.
 
Mula 2004 hanggang 2010, ang kapatid ni Athel na si Proceso Alcala ang kongresista ng ika-2 Distrito ng Quezon.
 
Noong Hunyo 2010, itinalagang kalihim ng Department of Agriculture (DA) si Proceso ng Pangulo noon na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd.
 
Natapos ang pagiging kalihim ni Proceso nitong Hunyo 30 ng taong kasalukuyan.
 
Sina Proceso at Aquino ay magkaibigan simula pa noong magkasama ang dalawa sa Kamara del Representantes.
 
Kahit nakasuhan sina Athel at Sajid hinggil sa droga, nanatiling talamak ang shabu sa Quezon, ayon sa PDEA at PNP.
 
Lalo pang namayagpag ang bentahan at pagdami ng mga adik sa Quezon nitong nakalipas na anim na taon.

You May Also Like