Numero 1 drug lord ng Caloocan, patay sa ambush sa QC

Patay sa loob ng kanyang sasakyan ang isang kapitan ng barangay sa Lungsod ng Caloocan na itinuturing na numero unong drug lord sa lungsod.

Si Edres Domato, kapitan ng Brgy. 188 o Tala, ay inambus ngayong 7:15 A.M. ng Sabado sa Quirino Highway, Quezon City, malapit sa Gate 1 ng La Mesa Dam.

Maraming tama ng bala sa katawan si Domato nang matagpuang nakahandusay ang duguang katawan sa loob ng kanyang Toyota Fortuner.

Ayon kay Supt. Alex Alberto, hepe ng Quezon City Police District – Station 5 (QCPD – Station 5), dalawang lalaking nakasakay sa  motorsiklo ang pumatay kay Domato, ayon sa kuwento ng mga saksi sa krimen.

Ani Alberto, hindi nakabaril si Domato.

Tila sinigurong patay si Domato bago mabilis na tumakas ang mga suspek na pinaniniwalaang “hired killers.”

Ayon kay Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng PNP-Caloocan City, si Domato ay nakalistang numero unong drug lord sa Caloocan.

Si Domato ang itinuro ng 20 nadakip na drug pushers at adik sa tinatawag na “shabutiangge” sa Brgy 188 noong nakalipas na taon na nagsusupply ng shabu sa lungsod.

Si Domato rin ang binabanggit na drug lord na supplier ng shabu sa Caloocan, batay sa intelligence report ng PNP-Caloocan, patuloy ni Bustamante.

Hindi lang nasampahan ng kaso si Domato sapagkat walang ebidensiyang material na magdidiin sa kanya.

Ngunit, walang alam na rason si Alberto na si Domato ay isang numero unong drug lord sa Caloocan.

Si Domato ay tinuturing na isang “untouchable” sa bayan ng Caloocan.

Ayon sa ilang mapagkakatiwalaang source, ultimong si Representative-elect Dale Along Malapitan, anak ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan, ay takot pumunta sa Brgy. 188 nang walang bodyguard.

Mayroon nang namatay na isang special agent ng National Bureau of Investigation sa Brgy. 188 dalawang taon na ang nakalilipas.

Hindi natukoy ang mga salarin.

You May Also Like